Daisy Reyes tells her rags to riches story today sa Powerhouse.
Bago pa man maging model si Daisy, una siyang rumampa sa kalsada para mangolekta ng kaning-baboy. Paglalabada naman ang trabaho ng kanyang ina habang siya ang nakatokang mag-igib ng tubig.
Pero nag-iba ang kanyang buhay nang pasukin niya ang pagmomodelo at pagsali sa mga beauty pageant. Labing-dalawang taong-gulang pa lang si Daisy ay natuto na siyang magsumikap sa buhay.
Palibhasa ay marunong kumanta kaya ginamit niya ang talentong ito para mag-perform tuwing fiesta.Dahil kapos sa pera at walang pambili ng makeup, ang lapis na ginagamit niya sa eskuwelahan ang pinangkikilay ni Daisy tuwing sumasali sa mga paligsahan.
Labing-anim na taong gulang siya nang madiskubre sa isang palengke. Bumibili lang daw siya ng gulay noon nang may mag-alok sa kanya na sumali sa isang beauty contest.
Sa kauna-unahang pageant na sinalihan niya ay nanalo si Daisy ng isang townhouse. Nagdire-diretso na ito hanggang sa manalo siya ng second-runner up sa Mutya ng Pilipinas (1995) at Binibining Pilipinas-World (1996).
Mula sa pagiging beauty queen ay sumabak na rin sa pag-aartista at maging sa pulitika. Apat na taon na siyang nanunungkulan bilang konsehala sa Pateros.
Dahil sa kaniyang pagsusumikap at pagiging masigasig, nakapagpundar si Daisy ng kanyang dream house. Bukod dito, abala rin siya sa kanyang negosyong salon at mga sabon.
Samahan ang award-winning journalist na si Kara David na libutin ang bahay at balikan ang kuwento ni Daisy sa Powerhouse ngayong hapon, 4:35 p.m. sa GMA.