PAPASOK sa kanyang unang full season bilang head coach ng Alaska Milk, mas gamay na ni Alex Compton ang kanyang koponang minana kay Luigi Trillo sa simula ng PBA Governors’ Cup.
Learning experience na maituturing ang nakaraang conference. Subalit naipakita ni Compton at ng Aces ang kanilang kakayahang makabangon sa masagwang sitwasyon.
Magugunitang ang Aces ay tinambakan ng Rain or Shine sa isang nakakahiyang laro. Iyon ang ikatlong pinakamasagwang game sa kasaysayan ng liga.
Puwede sanang nabaon si Compton bunga ng karanasang iyon. Subalit hinila niya ang Aces at nakabawi sila sa pamamagitan ng pagpasok sa semifinals kung saan nakatapat din nila ang Elasto Painters.
Kung naging malusog lang ang Aces, baka nakarating sila sa championship round at nakalaban ng San Mig Coffee na nakakumpleto ng Grand Slam.
Pero hanggang sa semis na lang ang inabot nila.
Matapos na yumuko sa Rain or Shine, sinabi ni Compton na susuriin niyang mabuti kung ano ang kailangan ng Alaska Milk upang mag-improve papasok sa 40th season ng PBA.
Hindi pala ganoon karami ang kailangang baguhin sa koponan. Tatlong manlalaro lang ang naidagdag ni Compton papasok sa season na ito.
Una’y pinapirma nila ang beteranong si Eric Menk na inilaglag ng Globalport. Pagkatapos ay kinuha nila sa first round ng draft si Chris Banchero at sa second round si Rome dela Rosa.
Nagbabalik buhat sa nakaraang season sina Calvin Abueva, Cyrus Baguio, Sonny Thoss, JVee Casio, Dondon Hontiveros, Samigue Eman, Chris Exciminiano, Paolo Bugia, Vic Manuel, RJ Jazul at Tony dela Cruz. Si Gabby Espinas ay nagpapagaling pa buhat sa isang injury.
Magsisilbing assistants ni Compton sina Louie Alas, Topex Robinson, Monch Gavieres at Franco Atienza. Ang kanilang team manager ay si Richard Bachmann na siya ring representative sa PBA board of governors.
Dahil sa mahigit tatlong buwan din ang ginugol niya upang maihanda ang Aces para sa 40th PBA season na mag-uumpisa sa Linggo, nailagay na ni Compton ang kanyang sistema. Bagamat gagamitin pa rin niya ang triangle offense, alam na ni Compton ang mga buton na puwede niyang pindutin sa dikitang pagkakataon.
Kumpiyansa si Compton na mas mataas ang maabot ng Aces sa pagkakataong ito.