KAHIT anong tanggi ang ginagawa ni Vice President Jojo Binay na sa kanya ang mahigit na P1-bilyon 350-hectare na hacienda sa Rosario, Batangas, walang naniniwala sa kanya.
Paanong maniniwala ang taumbayan kay Binay na di niya pag-aaari ang agricultural estate samantalang mismong mga naninirahan sa Barangay Maligaya, Rosario, ang nagsasabi na palagi nilang nakikita ang pamilya Binay sa hacienda?
Halimbawa, isang 67-anyos na babae ang nagsabi sa reporter ng INQUIRER, sister publication ng Bandera, na nagtrabaho siya sa farm ng mga Binay ng 14 taon.
Sinabi ng babae, na humiling na huwag na siyang ipakilala, na ang mga Binay ay palaging nasa farm at sila ang kanyang naging amo.
Si Vice President mismo, noong siya’y mayor pa ng Makati, ang pala-ging bumibisita sa farm.
Malaki raw ang farm, na nakabakod. Meron daw private pool at maraming greenhouses kung saan muna pinatutubo ang mga tanim na halaman.
May mga babuyan pa raw na naka-air conditioned pa man din.
(Buti pa ang mga baboy at naka-air conditioned samantalang ang mga trabahante sa labas ay pinapawisan!)
Kapag dumarating daw si Vice President, madalas ay sakay ito ng helicopter.
Pero ang kukuripot daw ng mga Binay at hindi nagbibigay ng mala-king sahod sa mga trabahador ng farm.
Palagi raw sinasabi ng mga Binay na hindi kumikita ang farm kaya’t hindi natataasan ang kanilang mga suweldo.
Sinabi ni Vice President Jojo na nagha-hallucinate o nagdedeliryo ang kanyang mga detractors sa pagbintang na ang kanyang pamilya ay nagmamay-ari ng 350-hectare property.
Ang tunay na may-ari ng hacienda, ani Binay, ay si Antonio Tiu, isang Tsinoy na negosyante.
Paanong nagdideliryo ang isang taong nagsasabi ng totoo?
Paanong nagdideliryo si Ernesto Mercado, da-ting vice mayor ni Jojo Binay sa Makati, samantalang siya ang naunang katiwala sa farm noong ito’y maliit pa lang?
Sinabi ni Mercado na para nga siyang utos-utusan ng mga Binay sa farm dahil siya ang bumibili ng mga pagkain ng mga baboy at nagpapasuweldo ng mga trabahador.
Si Mercado ang kumuha ng aerial photo ng malawak na ari-arian ng mga Binay sa Barangay Maligaya, bayan ng Rosario.
Alam ni Mercado kung ano ang kukunan niyang mga gusali at pinatayong mga swimming pool at man-made lagoon dahil siya ay kasama sa pagpapatayo ng mga ito.
q q q
Kung maging Pangulo si Jojo Binay, mas masahol pa siya sa diktador na si Marcos at ng asawa nito na si Imelda.
Si Elenita Binay, maybahay ni Jojo at dating mayor din ng Makati, ang nagpatayo ng maze garden na kinopya niya sa Kew Garden sa London.
Mas malaki pa raw ang maze garden sa lupain ng mga Binay kesa sa Kew Garden sa London.
Magarbo pala itong si Elenita.
Siya siguro ang nasa likod ng buying spree ng mga Binay ng mga ari-arian na lupa o real estate property sa Makati at sa ibang lugar sa Luzon.
Marami na raw lupa ang mga Binay sa Makati, sabi ng mga taong nakakakilala sa kanila.
Kabilang sa mga ari-arian ng mga Binay ang mga bahay sa loob ng Dasmarinas Village, isang lugar ng mga multi-millionaires.
At lahat daw ng mamahaling condominium sa Makati ay merong unit ang mga Binay.
Noon daw ay isang unit sa mamahaling condo ang hinihingi ng mga Binay sa mga developers.
Pero lately, buong floor ng condo raw ang hinihingi na nila.
Napakasuwapang naman ng mga Binay!