Mga Laro sa Miyerkules
(Mall of Asia Arena)
2 p.m. San Beda vs
Perpetual Help
4 p.m. Arellano vs JRU
IPINAKITA ng four-time defending champion San Beda College ang kanilang kahandaan sa 90th NCAA men’s basketball Final Four nang ilampaso ang Arellano University, 97-69, sa kanilang playoff kahapon sa The Arena sa San Juan City.
Ginamit ng Red Lions ang 19-0 bomba na nagdugtong sa ikalawa at ikatlong yugto para tuluyang agawin ang pagmamando sa laro. May 21 puntos, 5 assists at 3 rebounds si Baser Amer habang si Ola Adeogun ay naghatid ng 15 puntos at 12 rebounds para pangunahan ang balanseng pag-atake ng Red Lions tungo sa paghawak sa unang puwesto sa Final Four sa ikawalong sunod na taon.
Ang ratsada na ipinakita ng Red Lions ang nagtulak para hawakan ang 15-puntos kalamangan, 47-32, sa kaagahan ng ikatlong yugto.Nauna rito ay nagpasikat muna ang Chiefs at inangkin ang unang walong puntos at hinawakan pa ang 32-28 bago rumatsada ang Red Lions.
Nanguna para sa Chiefs si Levi Hernandez na may 11 puntos habang si Keith Agovida ay tumapos bitbit ang double-double na 10 puntos at 10 boards.Bigo man ay may twice-to-beat advantage pa rin ang Arellano sa Final Four upang maging matatag pa ang paghahabol sa kampeonato sa liga.
Kinuha naman ng host Jose Rizal University ang ikatlong puwesto sa 82-79 overtime panalo sa University of Perpetual Help sa unang labanan.Sinandalan ng Heavy Bombers ang matatag na paglalaro ni Bernabe Teodoro na tumapos taglay ang 16 puntos.
Siya ang nagpaabot sa labanan sa overtime sa isang layup, 73-all, bago ibinigay ang kalamangan sa JRU sa pamamagitan ng isang triple, 78-75.
Dumikit pa ang Altas sa 80-79, pero ginawang tatlo ni Philip Paniamogan ang iskor sa dalawang free throws mula sa foul ni Gab Dagangon sa huling siyam na segundo ng laro.
Natapos ang laro nang sumablay ang pinakawalang triple ni Juneric Baloria. Ang San Beda ang kalaro ng Perpetual habang ang Arellano ang katipan ng JRU sa Final Four na magsisimula sa Miyerkules sa SM Mall of Asia Arena sa Pasay City.