DALAWANG beses na nakarating sa Finals ang Rain or Shine sa 39th season ng Philippine Basketball Association.
Subalit sa magkaparehong pagkakataon ay sumegunda lang sila sa San Mig Coffee na nakakumpleto ng Grand Slam.
So, kung titingnang maigi, ang Rain or Shine ang second best team ng nakaraang season kasi dalawang beses silang sumegunda sa Grand Slam team.
Naganap pa nga ang unang pagsegunda nila sa Philippine Cup na siya talagang batayan ng mahusay na koponan.
Kaya siguro gaya ng San Mig Coffee ay hindi na rin binago ng Rain or Shine ang lineup nito para sa 40th PBA season na magbubukas sa Oktubre 19 sa Philippine Arena. Hindi na nga naman kailangang busisiin pa nang husto ang isang koponang muntik din namang magkampeon.
Kung tutuusin nga ay puwede sana nilang nadiskaril ang San Mig Coffee sa third conference o Governors’ Cup kung kumpleto lang ang lineup ng Rain or Shine.
Kinulang kasi sila ng isang big man dahil sa nagtamo ng injury si JR Quinahan na hindi nakapaglaro sa buong conference.
Nakabalik na sa active duty si Quinahan kaya kumpleto na ulit ang ‘extra rice’ partnership nila ni Beau Belga.
Sa totoo lang, ang talagang pinagtuunan ng pansin ng Rain or Shine sa offseason ay ang pagpapapirma sa kanilang marquee player na si Paul Lee matapos na mag-expire ang kontrata nito. Marami kasing ibang teams ang naghangad na makuha ang serbisyo ng manlalarong tinaguriang Lethal Weapon.
Pero sa dakong huli ay nanatili si Lee sa kampo ng Rain or Shine. At iyon ay sapat na para sa Elasto Painters.
Sa pagpirma ni Lee ay ipinamigay nila sa NLEX ang No. 2 pick na si Kevin Alas kapalit ng future draft pick.
Isang manlalaro ang idinagdag sa lineup ng Rain or Shine at ito ay si Jericho Cruz na isang rookie buhat sa Adamson University. Pinuno ni Cruz ang pagkawala ni Alex Nuyles na inilaglag ng Elasto Painters sa Expansion draft kung saan siya nakuha ng Blackwater Elite. Actually, galing din sa Adamson si Nuyles. So, isang Falcon ang pumalit sa kapwa Falcon.
Hindi natin alam kung magandang move para sa Rain or Shine na manatiling intact gayung hindi naman sila nagkampeon. Pero siguradong alam naman ni coach Joseller “Yeng” Guiao ang kanyang ginagawa. Nararamdaman niya na may potential pa ang kanyang mga manlalaro na higitan ang kanilang nagawa noong nakaraang season.
Dahil sa segunda lang ang inabot nila noong nakaraang taon, tiyak na atat na atat ang Elasto Painters na umangat sa No. 1 at magkampeon sa ikalawang pagkakataon sa kasaysayan ng prangkisa sa PBA.
At sa ilalim ng sistema ni Guiao, siguradong lalabas ang buti ng Elasto Painters.
Baka mabawian nila ang San Mig Coffee!