ITO ang masayang pahayag ni Labor Secretary Rosalinda Baldoz kung bakit patuloy na hinihimok ng Aquino administration ang ating mga kababayan na magbalik sa Pilipinas, lalo ang mga propesyunal gaya ng mga guro.
Bukod dito, meron naman daw naghihintay sa kanilang trabaho rito.
Dinala na nga ng Professional Regulations Commission (PRC) ang mga eksamen sa ibayong dagat upang makakuha ang ating mga kababayan ng kinakailangang pagsusulit bilang kahilingan upang makakuha sila ng kanilang mga lisensiya at magamit na ang kanilang mga propesyon sa bansa.
Kung hindi man sila magdesisyon na magbalik na, maaaring ma-promote pa sila sa mas mataas na posisyon at, siyempre, karagdagang sweldo din.
Patungkol mismo sa ating mga kababaihan ang paanyaya ni Secretary Baldoz, lalo pa sa mga ina ng tahanan.
Para sa mga teachers, mungkahi ni Baldoz na maaari na kayong magbalik-bansa dahil sa ilalim ng K-12 program na ipinatutupad ng Department of Education (DepEd), may mga trabahong nakalaan para sa kanila hanggang 2016.
Bagamat hindi kalakihan ang sweldo, kaya naman daw tapatan nito ang sinasahod ng mga domestic helper sa ibayong dagat.
At ang pinaka-bonus? Hindi na kailangang humiwalay pa sa pamilya.
Ibig sabihin, aktuwal silang makakatuwang ng kanilang mga asawa, at aktuwal na aaktong ina ng kanilang mga anak. Hands-on kumbaga ang kanilang pagpapalaki sa mga anak.
At higit sa lahat, dito sa Pilipinas ay kayo na ang “ma’am” at hindi kung sinu-sino.
Naniniwala si Sec. Baldoz na sasamantalahin ng mga OFWs ang pagkakataong ito.
Tiniyak rin nito na marami pang patrabaho ang inaasahang magbubukas sa kanila lalo ngayon na patuloy ang ginagawang pag-imbita ng pamahalaan sa mga foreign investorsna dito sa bansa mamumuhunan.
Maging ang ating lokal na mga employer, patuloy ring umaabot sa mga kahilingan ng Department of Labor and Employment upang maging kaayaa ang paghahanap buhay ng ating mga kababayan sa loob ng bansa.
Nagrereklamo na ang sektor ng maritime dahil hindi na naman umano nagpakita sa ikalawang taon ng selebrasyon ng National Seafarer’s Day (NSD) ang kanilang kinatawan mula sa Kongreso.
Ayon kay maritime lawyer Dennis Gorecho, hindi man lamang nasulyapan sa naturang pagdiriwang si Rep. Jess Manalo ng Angkla partylist.
Walang anumang na-rinig sa kanya tulad din noong nakaraang taon. Siyempre natural nga namang hinahanap nila ang kanilang kinatawan, ang kumakatawan sa mga marino.
Kaya nga lamang, ayon kay Gorecho, tandang-tanda pa nila, ilang buwan bago ang eleksyon, todo-suporta ang naturang grupo ni Manalo.
Pagkalalaking mga banner ang nakita sa mga parada para sa taunang selebrasyon ng National Seafarer’s Day noon.
Tanong ng ating mga seafarer… Nasaan daw po kayo Rep. Jess Manalo?
Bukas po ang kolumn na ito para po sa inyong panig.