Ikinuwento sa amin ni Nanay Tessie Relucio, lola ni Charice Pempengco, na naglipat na ang singer at ang kanyang girlfriend na si Alyssa Quijano ng kanilang mga kagamitan para makasama na sa bahay si Aling Raquel Pempengco.
Iniwanan na raw ng magkarelasyon ang ipinagawa nilang bahay, hindi naman pala ‘yun isang buong bahay kundi ikalawang palapag lang ng bahay ng kanyang manager, pero ginastusan daw ‘yun ni Charice.
Matagal-tagal ding nagkaroon ng hidwaan ang mag-ina, pero sa kabuuan ng kanilang away ay naging marespeto si Charice, hindi niya binarubal ang kanyang mommy.
Kung anu-ano ang pinagsasasabi nu’n ni Aling Raquel, kung isumpa nito si Alyssa ay parang wala nang bukas pa, pero tulad ng ending ng maraming kuwentong-pampamilya ay nagkasundo rin ang mag-ina.
Palagi namang ganu’n ang kuwento. Sa simula ay masasakit ang mga salitang ibinabato nila sa bawat isa, pero sa takdang panahon ay parang walang nangyari, nagkakasundo rin sila.
“Wala nang mas masaya pa ngayon kesa sa akin dahil nagkaayos na ang anak at apo ko. Nu’ng hindi sila nagkakaintindihan, ako ang hindi mapakali, hindi ako mapagkatulog.
“Ako ang nag-aalala sa kanila, palagi akong nagdarasal na sana, magkausap na sila at magkabati na. Masyado akong problemado nu’n sa anak at apo ko.
“Pero ngayong maayos na sila, wala na akong mahihiling pa,” pagtatapat ni Nanay Tessie Relucio.