NANGYARI kahapon ang pagluklok ng mga opisyales na siyang totokahan na magpatakbo sa baseball sa bansa.
Tulad ng ipinangako, binuksan ng Philippine Amateur Baseball Association (PABA) ang kanilang pintuan sa mga baseball stakeholders sa isinagawang General Assembly sa Szechuan Restaurant sa Roxas blvd., Malate, Maynila kahapon.
Umabot sa 21 indibiduwal na may sinusuportahang baseball clubs o liga ang dumalo at ang mga inupo para makabuo ng 12 board of trustees ay sina Atty. Felipe Remollo, Martin Cojuangco, Pepe Munoz, Ely Baradas, Raul Saberon, Norman Macasaet, Rich Cruz, Vince Alimurong, Kanifuni Itakura, Roselito Bernardo, Atty Chuck Guinto at Atty. Mel Gecolea.
Si PABA chairman Tom Navasero ang siyang nanguna sa pagpupulong at naunang nagdesisyon ang General Assembly na pagbitiwin ang mga dating nakaupong opisyales para bigyan ng laya ang bagong iluluklok.
“This is the renaissance of baseball in the country,” wika ni Tom, anak ng nasirang PABA head na si Hector Navasero. “These people who attended the meeting truly love baseball and I believe they will strive hard to bring baseball to where it was before.”
Nagdesisyon ang 12 board members na magkita uli sa Sabado para magluklok ng kanilang opisyales.
Pag-uusapan din kung paano maipapasok ang kinatawan ng mga school leagues bukod pa mga kasapi ng sandatahang lakas.
“Gusto lang namin ayusin na ang baseball. Lahat naman kami ay talagang tumutulong sa baseball kaya magiging maayos na ito,” wika ni Baradas.