AGREE kami na si Enrique Gil na nga ang pwedeng tawaging Next Ultimate Leading Man dahil sa dami ng magaganda at matagumpay na proyektong ginagawa niya. Bukod sa mga teleserye ng ABS-CBN ay mabenta rin siya sa pelikula.
Kasama ang binata sa latest offering ng Star Cinema na “The Trial” starring John Lloyd Cruz, Richard Gomez at Gretchen Barretto at malapit nang magsimula ang bagong teleserye niya sa ABS-CBN, ang Forevermore kung saan makakatambal niya ang napakagandang si Liza Soberano na nakasama rin niya sa pelikulang “She’s The One”.
Si Enrique ang masasabing tagabinyag ng mga baguhang female youngstar ng Kapamilya network, mula kay Kathryn Bernardo, hanggang kina Julia Montes at Julia Barretto , at ngayon nga ay kay Liza Soberano.
Pero feeling namin, ang tambalan nila ng dalaga ang talagang tatatak sa mga manonood. Malakas ang chemistry ng dalawa at parang nakikita namin sa kanila ang tambalan noon nina Kristine Hermosa at Jericho Rosales na incidentally ay siyang nagbida sa movie version ng Forevermore ilang taon na ang nakararaan.
Pero sabi ng direktor ng Forevermore na si Cathy Garcia-Molina ibang-iba ang story ng serye nina Enrique at Liza sa pelikula nina Tintin at Echo.
Pero sa pocket presscon ng Forevemore mula sa Star Creatives, sinabi ni Enrique na parang kulang pa ang nagagawa niya para tawagin siyang Next Ultimate Leading Man, “Hindi pa po. Kailangan po tapusin muna yung Forevermore, tignan natin kung anong mangyari roon.
‘Pag naging okey yun siguro saka ko lang masasagot iyan.” Tinanong si Enrique kung nape-pressure ba siya sa pagle-level sa kanya sa mga malalaking artista ng ABS?
“Siyempre marami lagi ang magda-doubt. Yun lang ang ayoko na tipong ginagawa mo yung best mo tapos maraming doubters. There will always be doubters na bakit ako nandiyan, sana hindi na lang ako nandiyan.
I just wanna prove the point na kaya ako pinili, they trust me,” ani Enrique. “Para sa akin po kasi it’s through experience. The longer you are in the industry, the more you do stuff, the more you’ll learn.
And kahit papaano kahit six years, seven years na ako, feeling ko medyo bago pa lang, e. I have to do more pa to be able to say na I’ve grown na bilang actor,” aniya pa.
Wala pa ring lovelife si Enrique, at mukhang hindi nga ito ang priority niya ngayon. Ayon sa binata, naniniwala siyang darating sa tamang panahon ang babaeng magpapatibok sa kanyang puso, sa ngayon gusto niyang mag-focus muna sa trabaho, lalo na ngayong malapit nang magsimula ang Forevermore.
Umaasa rin siya na sana’y mag-click sila ni Liza. “As of now, we’re teaming up. Pag naging okay, then it’ll be a love team eventually.
We haven’t really spent that much time together… We’re gonna start here sa ‘Forevermore…’ We’re gonna give it our all, sa story namin, sa characters, and I feel kaya naman namin,” ani Enrique.