Ayon kasi sa kuwento ay ang gagawing programa ng kababalik lang na si BB Gandanghari ang magiging pinakauna sa mundo ng telebisyon.
Matagal na nawala sa bansa si Rustom Padilla, este si BB Gandanghari pala, at ayon sa aming nakakuwentuhan ay nagpakadalubhasa siya sa masusing pagpapaganda ng kutis na gamit ang mga pinakabagong makinang nasubok na nila sa New York kung gaano kaepektibo.
Hindi kaya ang gagawin niyang programa sa TV5 ay tungkol sa pagpapaganda, isang programang tututok sa lahat ng mga gustong malaman ng mga babae at lalaking banidosa sa katawan, dahil ‘yun naman ang pinagkakaabalahan niya sa Amerika?
Sa Sabado ay magiging panauhin namin sa Paparazi Showbiz Exposed si BB Gandanghari, si Zoren Legaspi ang hiling ng marami na sana’y mag-interview sa kanya, tutal naman ay nasabi minsan ng guwapong aktor na kung mabibigyan ito ng pagkakataon ay si BB Gandanghari ang gustong-gusto nitong makapanayam.
Ang tanong, pumayag naman kaya si Carmina Villaroel na si Zoren na kasalukuyan nitong kasama sa buhay ang mag-interbyu sa kanyang ex, magkaroon din kaya ng lakas ng loob si Zoren na makaharap ang taong mas nauna kesa sa kanya sa buhay ng ina ng kanyang mga anak?
At si BB Gandanghari, pumayag kaya siya na si Zoren mismo ang makaharap niya sa isang one-on-one, samantalang nakapagitna sa kanila ang isang babae na ex niya at kasalukuyan naman ni Zoren?
Kaabang-abang ang pagdating ni BB Gandanghari sa Paparazzi Showbiz Exposed.
Mas kaabang-abang ang magiging paghaharap nila ni Zoren Legaspi sa talk show.