Mga Laro Ngayon
(Mall of Asia Arena)
11 a.m. FEU vs NU (Game 2, women’s
finals)
3 p.m. NU vs FEU
(Game 1, men’s finals)
ASAHAN ang mainitang pagtutuos sa hanay ng mga gutom na koponan na National University at Far Eastern University sa pagsisimula ngayon ng 77th UAAP men’s basketball Finals sa SM Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Sa ganap na alas-3 ng hapon sisimulan ang pagtutuos at ang magwawagi ay magkakaroon ng pagkakataon na maiuwi na ang kampeonato sa Game Two sa darating na Miyerkules sa Smart Araneta Coliseum sa Cubao, Quezon City.
Ito ang unang pagkakataon mula 1970 na nakapasok uli sa championship ang Bulldogs at nangyari ito nang dalawang beses nilang pinabagsak ang number one team sa elimination round na Ateneo de Manila University.
Hindi naman nagpahuli ang Tamaraws na pinangatawanan ang pagiging number two seed sa 67-64 panalo sa dating kampeong De La Salle University sa double playoff noong Miyerkules.
Mas bata at kulang sa championship experience ang mga bataan ni NU coach Eric Altamirano pero hindi sila pahuhuli kung determinasyon ang pag-uusapan na siya nilang naipakita sa laro laban sa Blue Eagles.
“Honestly, I cannot tell how it feels or how it’s going to be in the Finals because it’s our first time,” sabi ni NU coach Eric Altamirano matapos na patalsakin ng Bulldogs at Tamaraws ang dalawang pinakasikat na koponan ng liga na La Salle at Ateneo na sa unang pagkakataon sa loob ng 20 taon ay hindi nakapasok sa Finals.
“My message to the team was to do what we do,” dagdag pa ni Altamirano. “We’ve gotten to this point, so why would we change our game, why would we be somebody we’re not.”
Winalis ng Tamaraws ang dalawang pagkikita nila ng Bulldogs sa elimination round pero masasabing dinugo sila dahil kinailangan nilang magpakatatag sa overtime para maitakas ang 71-62 at 74-70 tagumpay.
Dahil dito, nais ni FEU mentor Nash Racela na walang humpay ang ipakikitang laro sa magkabilang dulo ng court sa pangunguna nina Mike Tolomia, Mac Belo at Anthony Hargrove.
Sa kabilang banda, ang magandang pagtutulungan ng mga isinasalang sa laro ang siyang aasahan ni Altamirano para maipagkaloob sa paaralan ang kanilang kauna-unahang kampeonato mula 1954.