Sa wakas, nagbigay na ng kanyang opisyal na statement ang kampo ni Jose Manalo tungkol sa mga kasong isinampa sa kanya ng kanyang asawang si Annalyn.
Ilang araw na ring hinihintay ng mga dabarkads sa buong Pilipinas ang magiging sagot niya sa mga akusasyon ng kanyang misis, kabilang na ang pagkakaroon daw ng ibang babae.
Narito ang kabuuan ng opisyal na pahayag ng kampo ni Jose.
“Kasalukuyang hinaharap ni Jose ang ilang pagsubok sa kanilang relasyon ni Annalyn.
Lubos niyang kinalulungkot ang desisyon ni Annalyn na makipag-panayam sa media gayong alam ni Annalyn na makahahadlang lamang ito sa maayos at payapang paglutas ng kanilang mga suliranin.
Higit sa lahat, hindi ito makabubuti sa kapakanan ng kanilang mga anak.
“Nakatanggap si Jose ng kopya ng Complaint-Affidavit ni Annalyn ukol sa diumano’y paglabag ni Jose sa Republic Act No. 9262.
Naisangguni na ito ni Jose sa kanyang mga abugado para sa karampatang aksyon.
“Pinayuhan si Jose na pansalamantalang huwag magbigay ng anumang pahayag patungkol sa nabanggit na akusasyon.
Bukod sa nasabing demanda, walang nalalaman pang ibang kaso si Jose na isinampa laban sa kanya ni Annalyn.
“Mariing pinabubulaanan ni Jose ang pahayag ni Annalyn na siya ay may ibang karelasyon.
Ito ay kanyang sasagutin sa wastong paraan at sa tamang panahon.
“Mariin ding pinabubulaanan ni Jose ang anumang alegasyon ng pagpapabaya, mapapinansyal o iba pa, sa kanyang mga anak kay Annalyn.
Ang katotohanan ay si Jose ang nagbibigay ng nasabing suporta at patuloy na magbibigay ng suporta sa kanyang mga anak sa abot ng kanyang makakaya.
“Alang-alang kay Annalyn at sa kanilang mga anak, pilit na iniiwasan ni Jose na gumawa ng mga legal na hakbang laban kay Annalyn kaugnay ng iba’t ibang mga insidenteng kinasasangkutan nito at iba pang mga gawain ni Annalyn na nakapinsala pati sa mismong mga magulang ni Jose.
“Dahil patuloy na naaapektuhan ang kanyang pamilya sa usaping ito, nakikiusap si Jose sa media na bigyan sila ni Annalyn ng pagkakataong ma-resolba ang mga pagsubok na ito sa pribado at matahimik na paraan.”