NU, FEU pasok sa UAAP Finals

MAGTUTUOS ang National University at Far Eastern University  sa kampeonato ng 77th UAAP men’s basketball matapos manaig ang dalawang koponang ito sa dalawang knockout game sa pagtatapos ng Final Four kagabi sa Smart Araneta Coliseum sa Cubao, Quezon City.

Tinapos ng Bulldogs ang 44 taon na hindi umaapak sa championship nang kumpletuhin ang pagdodomina sa Ateneo de Manila University sa 65-63 panalo.

Nasundan ito ng 67-64 panalo ng Tamaraws sa dating kampeon na De La Salle University nang naipasok ni Mac Belo ang 3-pointer bago tumunog ang final buzzer.

Tabla ang iskor sa 64-all at sa FEU ang bola sa huling 24.4 segundo ng laro.

Inunti-unti ni Mike Tolomia ang pag-ubos sa oras bago inatake ang depensa. Lumapit sina Norbert Torres at Jason Perkins at nalibre sa kanto si Belo na nakita ni Tolomia para sa winning play.

Ang best-of-three finals ay magsisimula sa Sabado sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.

Si Gelo Alolino ay kumana ng pito sa kanyang 12 puntos sa laro sa huling yugto at kinatampukan ito ng isang tres at dalawang free throws na tumabon sa 60-63 iskor.

Read more...