Kayamanan ni Purisima, laughing money

KAHIT ano pa ang mga batikos na ipinupukol kay Director General Alan Purisima, chief ng Philippine National Police (PNP), hindi naniniwala ang isang masugid na tagausig ng kapulisan na siya ay corrupt.

Sinabi ni dating Dagupan-Lingayen Archbishop Oscar Cruz na si Purisima ang nagpatigil ng jueteng, isang illegal na numbers game, at nakapaglutas ng malalaking krimen noong siya ay provincial director ng Pangasinan.

Ang obispong si Cruz ay maingay na kritiko ng jueteng.

Napakaganda raw ang record ni Purisima sa Pangasinan bilang hepe ng pulisya sa lalawigan simula June 2005 hanggang February 2007, sabi ni Cruz.

Ang relief ni Purisima bilang Pangasinan PNP chief ay batay sa pagbalasa ng mga police chief bawat dalawang taon.

Si Purisima ay pinararatangan ngayon ng plunder, corruption, indirect bribery at unexplained wealth na naging dahilan upang ipatawag siya ng Senado noong Martes.

Si Cruz ay isa sa mga ibig pumigil sa paglilipat ng provincial director na si Purisima sa ibang lugar dahil sa kanyang “integridad at kasipagan sa pagpapatupad ng mahirap na gawain ng pulis.”

Bigyan daw ng benefit of the doubt si Purisima sa mga paratang sa kanya, ani Cruz.

Isa pang nagtatanggol kay Purisima ay si Rosendo So, isang party-list congressman, na ang pamilya ay naging biktima ng kidnap-for-ransom gang.

“Marami siyang tinulungang mga biktima ng kidnapping, kasama na ang aking pamilya noong siya ay chief ng binuwag na Police Anti-Crime and Emergency Response (Pacer),” ani So.

Kung hindi tumanggap ng pera sa jueteng si Purisima (ayon kay Archbishop Cruz), paano siya yumaman?

Alam ko na ang pinanggalingan ng kayamanan ni Purisima: Sa mga Chinese-Filipinos (Tsinoy) na naging biktima ng kidnapping.

Maraming nailigtas na Tsinoy si Purisima bilang Pacer chief.

Ang mga Tsinoy ay marunong tumanaw ng utang na loob at ang pagpapakita nila ng utang na loob ay sa pagbibigay nila ng pera.

Mahirap tanggihan ang Tsinoy kapag sila’y nagpapakita ng utang na loob.

Matatawag bang bribery o corruption ang pagtanggap ng pera na binigay mula sa kaibuturan ng puso ng isang taong tumatanaw ng utang na loob?

May alam akong dating PNP chief na yumaman din dahil sa mga Tsinoy na kanyang nailigtas sa mga kamay ng kidnap-for-ransom syndicates.

Hindi naman sasabihing sinuhulan siya ng Tsinoy dahil natapos na ang pagliligtas sa kidnap victim at hindi bago isinagawa ang rescue.

Naging mayaman na ang dating PNP chief noong siya’y tenyente pa ng Philippine Constabulary (PC) sa mga perang binigay sa kanya ng mga Tsinoy bilang pabuya sa pagkakaligtas sa kanila sa kamay ng mga kidnappers.

Isa sa mga nagbigay ng business concession sa tenyente ng PC, na naging PNP chief, ay isang Tsinoy tycoon na nagpasalamat sa kanya dahil sa pagkakaligtas niya sa anak nito.

Ang mga dating nailigtas niya sa mga kidnappers ang naging fund raisers ng dating PNP chief nang siya’y pumasok sa larangan ng pulitika.

Ang mga nailigtas niya sa mga kidnappers bilang Pacer chief ang nagpayaman kay Purisima.

Mahirap naman yatang tanggihan ang grasya.

Ayaw lang banggitin ni Purisima ang mga Tsinoy na kanyang benefactors nang siya’y ginigisa sa Senado.

Ang perang tinanggap niya ay tinatawag sa kapuulisan na “laughing money.”

Read more...