HUMINGI na ng tulong ang kampo ni Coco Martin kay Atty. Lorna Kapunan, ito’y may kuneksyon pa rin sa kinasasangkutang kontrobersiya ng Kapamilya actor sa ginawa nitong pagrampa sa nakaraang Bench underwear show.
Nagpatawag kaagad ng presscon ang manager ni Coco na si Biboy Arboleda para linisin ang pangalan ng aktor dahil apektado na ang tatlong proyekto nito na hindi muna binanggit.
“Alam n’yo po, si Coco ako ang tinuturing niyang business manager at nanay at ang career ni Coco ang itinuturing niyang hanapbuhay, wala naman siyang ibang hanapbuhay.
“Kumuha (humingi) po kami ng tulong kina Atty. Lorna Kapunan and associates kasi po nati-threaten na ang hanapbuhay ni Coco Martin, hindi ko na po ida-divulge today kung ano ‘yung iilan na ‘yun. And if ever na mag-worsen ito, maybe I’ll see you in the next few days with Atty. Lorna Kapunan kasi magda-divulge na kami.
“I am not in the mood to fight back, gusto ko peace ang strike namin and step by step. At ang baon lang naming mag-ina rito ay dasal. At kung hanapbuhay na ang apektado, kailangang protektahan lalo na kung walang kasalanan at walang sinadyang ginawa para makasakit ng damdamin ng tao.
“Malungkot si Coco, he’s down, isa ito sa malaking dagok na dinadaanan niya, I’m managing Coco for 6 years. Kanina nag-usap kami at wala siyang lakas,” pahayag ni Biboy.
Tinanong namin si Biboy kung nakailang taon na si Coco bilang endorser ng Bench, “turning five (5) na at nakatatlong beses na siyang rumampa ng major iba pa ‘yung small shows.”
Hindi naman kami sinagot ng manager ni Coco kung magre-renew pa sila sa Bench pag-nag-expire na ang kontrata nito bilang celebrity endorser. At ang ipinagtataka ng lahat ay nag-public apology si Ben Chan kay Coco sa pamamagitan ng Instagram account nito noong isang araw, pero pagkatapos ay tinanggal na rin kaagad.
As of now ay hindi pa rin daw personal na nakikipag-usap ang may-ari ng Bench sa kampo ng aktor.
MOST READ
LATEST STORIES