IBINIGAY ng beteranong si Charly Suarez ang una sa inaasahang marami pang medalya galing sa boxing nang manalo sa kanyang quarterfinals match sa 17th Asian Games kahapon sa Seonhak gymnasium sa Incheon, South Korea.
Hindi nilubayan ni Suarez si Ammar Jabbar Hasan ng Iraq tungo sa 29-27, 29-27, 29-27, unanimous decision para makatiyak na ng tansong medalya sa lightweight division.
Sa Oktubre 2 na ang balik ni Suarez at susukatin niya si Obada Mohammad Mustafa Alkasbeh ng Jordan sa semifinal round.
Nagwagi pa si Wilfredo Lopez sa isa pang Iraqi fighter Waheed Abdulridha, 29-28, 29-28, 29-28, para umusad sa quarterfinals sa middleweight division.
Sa ngayon ay may dalawang pilak at dalawang tansong medalya pa lamang ang nasisilo ng 150 pambansang atleta papasok sa huling limang araw ng kompetisyon.
Bukod sa hirap na manalo dahil sa umangat ang lebel ng mga kalaban, nakadagdag sakit sa kalooban ng delegasyon ang paglagapak ng Gilas national team mula sa mataas na pedestal na hinawakan matapos ang 2013 FIBA Asia Men’s Championship sa Pilipinas.
Mula sa ikalawang puwesto sa hanay ng mga Asian countries, ang Pilipinas ngayon ay lalasap ng pinakamasamang pagtatapos sa kasaysayan ng Asian Games dahil hanggang ikapitong puwesto lamang ang pinakamataas na puwede nilang okupahan.
Nangyari ito nang padapain ng napatalsik na kampeong China ang Pilipinas, 78-71, para rin sa ikaapat na pagkatalo sa huling limang laro.
May 24 puntos si Marcus Douthit para sa Gilas na hindi nakasama sina Jimmy Alapag at Marc Pingris bunga ng mga injuries.
Naiwanan ng 19 puntos ang koponan pero pinangunahan ni Douthit ang pagbangon at nakapanakot pa sa 66-70 sa huling apat na minuto ng laro.
Ngunit bumuhos uli ang laro ng mga batang Chinese players para angkinin ang karapatan na labanan ang Qatar para sa ikalimang puwesto.
Taong 1966 at 2010 ang dating pinakamasamang pagtatapos ng Pilipinas sa basketball sa ikaanim na puwesto.