OKAY kay Mariel Rodriguez na maging leading lady ni Robin Padilla ang ex-girlfriend nitong si Vina Morales sa pelikulang “Andres Bonifacio”, official entry sa 2014 Metro Manila Film Festival.
Dinalaw namin ang mag-asawang Robin at Mariel sa taping ng Talentadong Pinoy para sa semi-finals n talent search noong Linggo. Inamin ng asawa ni Robin na maraming aktres ang pinagpilian, ‘yung iba raw ay hindi pa kilala ng TV host-actor.
“Marami kasi silang pinagpilian, tapos tinanong ako ni Robin kung sino sa tingin ko ang puwede at magkakasundo sila, sabi ko, why not Vina Morales kasi may pinagsamahan na kayo at kilala n’yo na ang isa’t isa.
“True enough, pagdating ni Robin sa bahay, sabi niya, ‘Babe, tama ka na si Vina ang kunin namin kasi okay kami, walang problema at ang ganda ng samahan, wala na kasi kaming ilangan, e.’
“Sabi ko naman, ‘See, kasi nagkasama na kayo kaya kumportable kayo. Nakita ko may pinadala siyang video at nakita ko masaya sila sa set.
“Saka tried and tested na ang tambalan nina Robin at Vina, wala pa ‘yang mga loveteam na ‘yan, nandiyan na sila. Kaya ‘yan ang edge nila plus epic movie ito so kailangan ng magaling na artista talaga, e, magaling si Vina talaga,” masayang kuwento ni Mariel.
Bagama’t nagkita na raw sina Mariel at Vina ay hindi naman sila nag-uusap, “Dating-dating-dati pa, sa morning show ni ate Kris (Aquino).”
Sinasadya raw ni Mariel na hindi dumalaw sa set ng “Andres Bonifacio” dahil, “Gusto ko kasi maging focus si Robin sa ginagawa niya tulad noon sa ‘10,000 Hours’, hindi ako dumalaw, pinasunod lang niya ako nu’ng last shooting day na nila sa Amsterdam, ‘yun lang.
“Ayaw ko kasing mahahati ang concentration ni Robin kapag alam niyang nandoon ako, gusto ko focus siya at kita mo naman, ang ganda ng ‘10,000 Hours.’”
Wala na bang pinagseselosan ngayon si Mariel? Dati kasi narinig namin na selosa siya? “Ay naku, wala na, anong ipagseselos ko, walang dahilan kasi super-bait ni Robin talaga, e, halos hindi naman umaalis ng bahay kapag walang work, nandoon lang siya.
“Ibang Robin na siya ngayon, nag-mature na, hindi na siya tulad ng pagkakakilala natin noon, sa edad niyang 44, nagbago na siya kaya walang dahilan para magselos o mag-away kami. Ako na ang may diperensiya no’n kapag nagselos pa ako sa wala,” katwiran ng misis ng aktor.
Natatawang ikinuwento rin ni Mariel na hindi na niya binibilhan ng gamit si Robin, “Naku, wala na as in, mga dati niyang gamit ang ginagamit niya ngayon, dati kasi binilhan ko siya ng branded na mga damit at shoes ano’ng ginawa, ipinamigay kung kani-kanino.
Naloka ako, e, ang mamahal nu’n!” kuwento nito. Dagdag paliwanag ni Robin, “E, kasi sa ating mga Kristiyano, ang sabi, ipamigay ang magagandang bagay, lalo na kung sobra na, e, di ipinamigay ko, alangan namang ipamigay ko ang mga pangit kong gamit.
At saka mas maganda ang nagbibigay kasi masarap sa pakiramdam. “Bilib nga ako sa asawa ko, lahat ng mga sikat ng pangalan, binigay sa akin, e, aanhin ko naman ‘yun, saan ko naman gagamitin ‘yun, e, di ipamigay na lang sa mga nangangailangan,” sabi pa ni Binoe.
Samantala, magkakahiwalay sina Mariel at Robin sa Disyembre dahil magbabakasyon ang una sa Amerika kasama ang lolo’t lola para dalawin ang daddy niyang doon na naninirahan, “Hindi ako puwedeng sumama kasi may ‘Bonifacio’, masasagasaan sa promo,” say ni Robin.
Susog naman ni Mariel, “Oo, hayaan ko muna siya rito, three weeks lang naman ako mawawala, ‘yun nga lang, hindi kami magkakasama ng Christmas and New Year, malungkot, pero kasama ko naman ang family ko roon, kasi dadalawin ko na rin daddy ko.”
Hindi lang ang promo ng Andres Bonifacio ang dahilan kaya hindi puwedent sumama o sumunod si Robin kundi dahil wala pa siyang US visa na hanggang ngayon ay hindi pa rin maibigay sa kanya.
Naalalang kuwento pa ni Mariel, “Oo nga, naaalala ko, paalis na kami noon nina Shen at Ali papuntang States, tapos bigla kaming na-hold kasi nga anak sila ni Robin.
Hayun, hindi kami umalis, ako rin hindi na rin umalis.” Wala namang problema sa kaso ng TV host dahil blue ang passport siya.
Hindi pa rin daw maintindihan nina Binoe kung bakit ayaw siyang bigyan ng visa ng Amerika gayung wala naman daw siyang alam na ginawa.
“Mahirap sigurong maging magandang lalaki,” birong sabi ng aktor. Humingi na rin daw sila ng tulong kay US Immigration lawyer Michael Gurfinkel pero walang nangyari kaya biniro namin ang mag-asawa kung humingi na sila ng tulong sa showbiz insider na si Bernard Cloma na nilalapitan ng lahat pagdating sa visa.
“Ah, ‘yun ang hindi pa namin nalalapitan, pero feeling ko wala ring magagawa ‘yun kasi nasa State department daw ang may hawak ng papel ko,” say pa ni Robin.