Pasalamat talaga si Derek Ramsay at nauna na ang pagtatanim niya ng kredibilidad, kabutihan at kawalan ng angas sa mata ng publiko.
Kung hindi, sa mga pinagsasasabi ngayon ni Mary Christine Jolly ay siguradong wasak na wasak na siya sa mata ng tao kahit pa sa pananaw ng kanyang mga tagahanga, dahil hindi biru-biro ang mga akusasyong ibinabato sa kanya ng babaeng naturingan pa namang ina ng kanyang anak na si Austin Gabriel.
Nakakaloka ang mga bintang sa kanya ng babae, pati ang nilalaman ng sinumpaang-salaysay nito ay nakawiwindang, pati ba naman ang mga sikretong ginagawa nila nu’n sa apat na sulok ng kanilang kuwarto ay sukat ilantad nito para lang wasakin si Derek?
Sa akusasyon na lang ni Mary Christine na adik si Derek ay marami nang nagtaas ng kilay. Kilala sa pagiging health buff ang aktor, bata pa siya’y marami nang sport na sinasalihan, pero ‘yung lagay pala na ‘yun ay lulong siya kundi man gumagamit ng droga?
Kung ‘yun ba naman ay idinaan na lang sa maayos na pakikipag-usap ng babae ang gusto nito, di sana’y wala nang mga ganyang kaguluhan, ang nakakaawa sa mga pangyayaring ito ay ang kanilang anak na nakakaladkad nang walang kalaban-laban sa usapin.
Kung makapamimili lang ng magulang ang anak.