MAGING si dating senador at ngayon ay rehabilitation czar Panfilo Lacson ay nanawagan na rin kay PNP Chief Director General Alan Purisima na magbitiw na sa puwesto at huwag nang maging pabigat pa kay Pangulong Aquino sa harap ng mga alegasyon hinggil sa hindi umano maipaliwanag na yaman at iba pang kontrobersya.
Nakakapagtaka kung bakit sa kabila ng mga ibinabato laban kay Purisima, nangingibabaw pa rin kay PNoy ang pagkakaibigan meron siya sa PNP chief.
Si Aquino pa ang promotor sa pagtatanggol kay Purisima imbes na hingan ito ng paliwanag.
Tiwala si Aquino rito dahil ang nangingibabaw sa kanya ay ang pagpapahalaga niya sa kaibigan na matagal na niyang nakasama.
Ang saya-saya siguro nitong si Purisima dahil sa sobrang tiwala sa kanyang pagkatao ni Aquino ay agad-agad siyang naaabsuwelto sa mga akusasayong ipinupukol sa kanya.
Totoo man o hindi ang mga isinampang kaso laban kay Purisima, ang dapat na ginawa muna ng PNP Chief ay nagbakasyon muna, kung ayaw niya talagang magbitiw, habang isinasagawa naman ang imbestigasyon laban sa kanya.
May tawag po doon: Delicadeza.
Tama si Lacson sa kanyang sinabi na dapat kausapin na ni PNoy si Purisima at ipasagot sa kanya ang mga isyu.
Alam kasi ni Lacson na bukod sa nagiging bagahe ni PNoy si Purisima, naaapektuhan na rin nang todo ang PNP. Nakakaladkad na ang buong institusyon na kaliwa’t kanan na rin ang natatanggap na batikos dahil sa paglalala ng kriminalidad sa bansa at ang pagkakadawit ng mga tiwaling pulis sa iba’t ibang krimen.
Dating PNP chief din si Lacson noong panahon ni Erap.
Sa mga panawagan ng pagbibitiw kay Purisima, manananatili kaya siyang kapit-tuko sa kanyang posisyon?
Hindi rin kasi biro ang mga akusasyon laban sa kanya, bukod kasi sa sinasabing White House, may iba pang sinasabing pag-aari si Purisima na noong una ay itinatanggi pa niya.
Bukod kay Aquino, mabilis din ang pagtatanggol na ginawa ni Interior Sec. Mar Roxas kay Purisima. Si Roxas pa talaga ang nag-explain na donasyon ng Mason ang perang ipinagpatayo ng sinasabing White House.
Teka, hindi bat mas lalong bawal tumanggap ng donasyon ang mga opisyal ng gobyerno dahil magiging beholden sila sa mga nag-donate?
Kung ano man ang totoo hinggil dito, bakit hindi hayaang magpaliwanag si Purisima, na biglang nawala nitong mga nakalipas na araw, at kesyo dumalo raw sa pagpupulong sa ibang bansa.
Bukod sa maraming bumabatikos sa liderato ni Purisima dahil sa kabiguan ng kapulisan na mapababa ang krimen sa bansa, heto’t may isyu pa sa kanyang integridad bilang hepe ng PNP.
Abangan natin kung tatablan si Purisima ng hiya at kusa nang umalis sa puwesto o patuloy siyang magiging kapit-tuko.
Editor: Para sa komento at tanong, i-text ang pangalan, edad, lugar at mensahe sa 09178052374.