HINDI napigil ng depensa ng Gilas Pilipinas ang mahusay na guard ng Iran na si Mahdi Kamrani para lasapin ang 68-63 pagkatalo sa 17th Asian Games men’s basketball kahapon sa Hwaseong Sports Gymnasium sa Incheon, South Korea.
May 12 puntos si Kamrani at kalahati rito ang nagpasiklab sa 8-0 run para kunin na ng Iranians ang kalamangan sa laro, 61-60.
Bago ito ay nakalayo na sa 60-53 ang Gilas dahil sa pagtutulungan nina Paul Lee at Gary David.
Si Mohammadsamad Nik Khahbahrami ang namuno sa Iran sa 23 puntos habang si Hamed Haddadi ay mayroong 18 puntos at 15 rebounds.
Sina Lee, LA Tenorio at Marcus Douthit ay may 11, 10 at 10 puntos para mabigo ang koponan ni coach Chot Reyes na maipaghiganti ang pagkatalo sa 2013 FIBA Asia Men’s Championship finals na ginawa sa Pilipinas.
Tinapos ng Iran ang Group E tangan ang 2-0 baraha habang ang Pilipinas ang ikalawang koponan sa 1-1. Hindi umabante ang India na may 0-2 baraha.
Malakas ang panimula ng Iran at lumayo agad sa 12 puntos matapos ang unang yugto, 29-17, pero gumana ang depensa ng Gilas sa ikalawang yugto para malimitahan ang mas malalaking katunggali sa pitong puntos lamang upang pababain ang kalamangan sa dalawa, 36-34.
Bukod sa kahinaan na dumepensa, ang pambansang koponan ay nakitaan din lamang ng limang assists sa kabuuan ng laro.