MADALAS nating nababalitaan na lalaki ang palaging nanloloko sa kanilang mga asawa. Iyan ang palaging problemang kinahaharap ng Bantay OCW hinggil sa mga asawang niloloko ng kanilang mga mister.
Ngayon, mas madali nang mabisto ang mga kalokohang ito dahil sa makabagong teknolohiya.
Dahil sa Facebook ay maraming mga relasyon ang nabulgar at nadiskubre ng kanilang mga maybahay.
Walong taon nang nagtatrabaho si Andrea sa HongKong. Walang trabaho ang asawa nito sa Pilipinas at napakaseloso pa umano. Iyon ang madalas nilang pag-awayan bukod pa sa palaging paghihikahos ng pamilya.
Maliliit pa ang kanilang apat na mga anak nang magdesisyon si Andrea na magtrabaho sa abroad. Naniniwala siyang walang mangyayari sa kanyang pamilya kung hahayaan niyang palaging umasa sa wala.
Kaya naman nang nakapagsimula na siyang makapagpadala, pakiramdam niya sulit na sulit ang naging desisyon niya. Ibang-iba ang pakiramdam niya nang nakapila na siya sa Central sa HK upang makapagpadala ng pera sa Pilipinas. Masayang-masaya siya dahil iyon ang unang pagkakataon na makatitikim ng masasarap na pagkain ang kanyang mga anak kasama nang inipon-ipon na ilang pirasong damit, sapatos at delata.
Kahit malayo ay ipinangako ni Andrea sa kanyang sarili na handa niyang tiisin ang lahat ng hirap alang-alang sa kaniyang pamilya.
Tanggap na rin niyang kahit walang trabaho si mister, okay na rin na siya na lamang ang sumuporta sa kanilang pamilya dahil masisiguro niyang mapapabuti ang kanilang mga anak dahil mabibigyan niya ang mga iyon ng magandang kinabukasan.
Mabilis na lumipas ang mga araw at mara-ming mga taon. Naging kumportable na rin si Andrea sa Hongkong. Mas masaya umano siya sa bawat araw na lumilipas at palaging pinaghahandaan ang pagdating ng kaniyang day-off kapag weekend upang makisalamuha sa kaniyang mga kababayan doon.
Ginugugol niya ang buong maghapon sa pakikipagkuwentuhan at pakikipagsaya sa mga kapwa OFW.
Hindi niya akalain na papatol siya sa lalaking nakilala lamang niya sa text.
Nauwi sa madalas na pagkikita ang dating pagte-text lang.
Ibang lahi ang naturang lalaki.
Hindi nagtagal ay naging magkarelasyon ang dalawa.
Hindi na rin pinansin ng OFW ang pagseselos ni mister. Bale-wala na sa kanya iyon.
Ang unang relasyon ay hindi nagtagal. Nasundan ito nang panibago at nang isa pa. Hindi rin nagtagal ay maging ang kanyang among lalaki ay pinatulan na rin niya.
Kahit si Andrea ay hindi makapaniwala sa kanyang ginawa.
Nagawa niyang ipagtapat ang lahat sa amin at umamin na sa paglipas ng panahon ay pinatigas na rin umano ang kanyang konsensiya sa paggawa ng hindi tama.
Wala nang balak umuwi ng Pilipinas si Andrea sa kabila ng pakiusap ng asawang bumalik na ito sa bansa at malalaki na ang kanilang mga anak.
Ayaw na umano niyang balikan ang dating buhay. Sa ngayon, pakiramdam naman daw niya, napagtatakpan ang kanyang mga kasalanan ng kanyang mga ipinadadala sa pamilya. Pinaniniwala niya ang kanyang sarili na, hindi man siya naging mabuti at tapat na asawa, isa naman umano siyang responsableng ina para sa kanyang mga anak.
vvv
Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Inquirer Radio dzIQ 990 AM, Lunes hanggang Biyernes, 10:30 am 12:00 noon. Audio/video live streaming: E-mail: bantayocwfoundation@yahoo.com/ susankbantayocw@yahoo.com www.ustream.tv/channel/dziqHelpline: 0927.649.9870