SI Jerome Pobocan pala ang nagdirek ng napaka-passionate na love scene nina Bea Alonzo at Paulo Avelino na napanood noong Biyernes sa Sana Bukas Pa Ang Kahapon.
Matatandaang sinulat namin dito sa BANDERA kung sino ang nagdirek sa nasabing episode dahil marami ang nagkagusto at sobrang iningatan daw ang maseselang eksena ni Bea rito.
Timing na nakasalubong namin si direk Jerome sa ELJ Building ng ABS-CBN noong Linggo ng gabi pagkagaling namin sa The Buzz at tinanong kaagad namin kung sino ang nagdirek at nabanggit nga niyang siya.
Sinabi rin namin kay direk Jerome na maraming nabitin sa napakagandang love scene nina Bea at Paulo at napangiti sabay pasalamat ng direktor. Tanong namin, wala bang part two ito?
“Ha-hahahaha! Tingnan po natin, siguro po magkakaroon,” masayang sagot ng direktor. Tinanong namin kung paano niya napapayag si Bea na gawin iyong nakapatong siya kay Paulo?
“Actually, madaling kausap si Bea, she’s very cooperative kasi maraming suggestions, tinanong namin kung okay lang na gawin niya ‘yung ganito o ganyan, sabi niya, ‘Ay nagawa na namin ni Lloydie (John Lloyd Cruz) ‘yan, so para maiba naman, sinagest nga namin itong nakapatong siya kay Paulo at sabi nga niya, ‘Okay ‘yan direk, hindi ko pa nagagawa ‘yan.’ So sakto, ganu’n ang pinagawa namin.
“Sobrang saya kasi okay sina Bea at Paulo, walang arte, magaling, isang take lang with different angles,” masayang kuwento ni direk Jerome. In fairness, inabangan talaga ng televiewers ang love scene nina Bea at Paulo na nakakuha ng national TV rating na 16.6%, kumpara sa nakuha ng pagtatapos ng katapat nitong programa sa GMA na Ang Dalawang Mrs. Real (15.5%) lang.
Siguradong mas mae-excite ang manonood sa mga susunod na eksena sa Sana Bukas Pa Ang Kahapon unti-unti na kasing nabubuking ang pagkukunwari ni Rose (Bea) bilang ang namatay na abogadong si Emmanuelle.
Handa na bang harapin ni Rose ang kanyang pamilya at ang mga taong sumira sa buhay niya? Samantala, ngayong darating na Sabado lilipad ang Sana Bukas Pa Ang Kahapon stars na sina Paulo at Maricar Reyes para sa espesyal na Kapamilya Karavan ng ABS-CBN Regional para sa Peñafrancia Festival sa Bicol.
Ito ay gaganapin sa SM City Naga parking lot, 4 p.m.. Huwag palampasin ang mga mas kaabang-abang na tagpo sa Sana Bukas Pa Ang Kahapon sa ABS-CBN Primetime Bida.