BINIGO ng Gilas Pilipinas ang India, 85-76, sa unang laro nito sa men’s basketball tournament ng 17th Asian Games kahapon sa Incheon, Korea.
Lumamang ng 19 puntos ang Pilipinas, 84-65, limang minuto pa ang nalalabi sa laro nang sinubukang maghabol ang India na nagpakawala ng 11-0 rally para makalapit ng walo, 84-76.
Sa huling 36 segundo ng laro ay napigilan ng Gilas Pilipinas na makalapit pa ang India at maagaw ang panalo sa mga Pilipino.
Napagkalooban ng ‘bye’ ang Pilipinas sa unang round at kasama ngayon ng bansa sa Group E ang India at 2013 FIBA Asia champion Iran. Ang India ay nag-qualify galing Group B.
Ang Pilipinas ay pinangunahan kahapon ng naturalized player na si Marcus Douthit at sharpshooter na si Jeff Chan na parehong umiskor ng 14 puntos. Si Douthit ay kumuha rin ng game-high 10 rebounds.
Nag-ambag naman si Gary David ng 13 puntos at si June Mar Fajardo ng 12 puntos. Samantala, napabilang na ang Pilipinas sa medal tally kahapon matapos na manalo ng silver medal si Daniel Parantac sa men’s tajiquan event ng wushu.
Si Parantac, na nanalo ng ginto sa Southeast Asian Games sa parehong event, ay umiskor ng 9.68 puntos at kinapos sa iskor na 9.78 ng gold medalist na si Zhouli Chen ng China.
Ang bronze medal ay napunta kay Chan Ko Ko Nyein ng Myanmar na may 9.65 puntos.