MAINIT na pinag-usapan at sinubaybayan ng primetime viewers ang pinakaabangang love scene ng mga karakter nina Bea Alonzo at Paulo Avelino sa “most tempting episode” ng top-rating drama series ng ABS-CBN na Sana Bukas Pa Ang Kahapon na umere noong Biyernes.
Ayon sa Kantar Media, humataw ang serye nina Bea at Paulo ng national TV rating na 16.6%, kumpara sa nakuha ng pagtatapos ng katapat nitong programa sa GMA.
Bukod sa national TV ratings, humataw rin ang serye sa social networking sites tulad ng Twitter kung saan naging nationwide trending topic ang official hashtag na #SBPAKAlab at worldwide trending topic naman si Paulo dahil sa buhos ng tweets kaugnay ng kontrobersyal na episode.
Tiyak na mas kapananabikan ng viewers ang mga mas umiinit na eksena ng serye ngayong unti-unti nang nalalantad sa lahat na si Rose (Bea) ay nagpapanggap lamang bilang ang yumaong abogadong si Emmanuelle.
Handa na bang harapin ni Rose ang kanyang pamilya at ang mga taong sumira sa buhay niya? Samantala, ngayong Sabado (Sept. 27), lilipad ang SBPAK stars na sina Paulo at Maricar Reyes para sa espesyal na Kapamilya Karavan ng ABS-CBN Regional para sa Peñafrancia Festival sa Bicol.
Ito ay gaganapin sa SM City Naga parking lot, sa ganap na alas kwatro nang hapon. Sa ilalim ng Dreamscape Entertainment at sa direksyon nina Trina Dayrit at Jerome Pobocan, napapanood ang Sana Bukas Pa Ang Kahapon sa ABS-CBN Primetime Bida.