SA isang buwan ay Breast Cancer Awareness Month. Ito ay ang pagbibigay-halaga sa kaalaman hinggil sa breast cancer o kanser sa suso, isa sa pinakapalasak na uri ng sakit na tumatama sa mga kababaihan.
Gaya ng ibang mga sakit, nakasalalay ang paggaling sa sakit na ito sa maagang pagkakadiskubre na meron ka nito (early diagnosis).
Paano nga ba masasabi na meron kang breast cancer?
Unang-una, ang mga babae ang kadalasang apektado nito, bagaman meron ding mga lalaki na nagkakaroon nito.
Bukol ang unang sintomas na dapat tingnan.
Pero paano mo malalaman na meron kang bukol? Dito na pumapasok ang breast self-examination na dapat gawin ng bawat kababaihan kada buwan, isang linggo matapos ang kanilang regla.
Kapag may bukol, magpatingin kaagad sa doktor para makumpirma kung ito ba ay benign at hindi kanser.
Ito ay maaring obserbahan lang kung kaya’t kinakailangan na mag-follow up check-up taon-taon.
Natural lamang na matakot sa sandaling makakapa ng bukol. Pero hindi dapat doon matapos iyon. Huwag umiwas magpasuri sa doktor. Huwag umiwas sa kaalaman na humahantong sa kapabayaan.
Natural din na kapag napabayaan ang bukol, lumalaki ito, at baka sa huli ay hindi na ito kaya pang gamutin.
Mahalaga talagang magpasuri sa doktor.
Ang kanser ay madalas nagpapakita na bukol na mag-isa, matigas at walang kirot.
Sa umpisa, ito ay maaaring gumagalaw at walang makikitang senyales sa balat.
Obserbahan kung ang “nipple” o utong ay may discharge. Ginagawa ito sa pamamagitan ng maingat na pagpisil sa paligid nito.
Ang dugo o kaya ang mapulang “discharge” ay nagpapahiwatig na posibleng may bukol na hindi maganda (intraductal papilloma).
Kapag naaapektuhan na ang balat, masamang senyales ito, malala na ang kanser.
Kailangan din kapain ang mga kulani (lymph nodes) sa kilikili (axilla) dahil sa ang isang direksyon ng pagkalat ng kanser ay sa pamamagitan ng “lymphatics system”.
Ang isa pang daanan ng pagkalat ng kanser ay sa mga ugat mismo kung kaya’t nariyan ang posibilidad na kumalat papunta sa atay, buto, utak at iba pang parte ng katawan.
Maaaring malaman ang kanser nang maaga bago pa man makapa ang bukol.
May mga screening methods sa mga ospital gaya ng ultrasound at mammography. Ginagawa ito sa kababaihan na may malakas na “family history” ng breast cancer.
Pinapayuhan din ang mga babae na 35-anyos at pataas na magkaroon ng “baseline mammography” at magkaroon din nito kada taon kapag 40-anyos na at pataas.
Ang “scintimammography” ay ginagamit para sa mas maselan na pagtingin ng bukol.
Ang pinakabago at posibleng pinakamaagang paraan ay ang ginagamitan ng electrical impedance technology o MEIK.
Kumpara sa mammography, wala itong “radiation” at mas kumportable sa pasyente dahil sa hindi naiipit ang suso. Umaabot sa 92 percent ang sensitivity nito. Mas maigi na malaman nang maaga ang bukol kung ito ay kanser o hindi bago pa man ito makapa.