MADALI raw makalimot ang mga Filipino.
Ito ang madalas na naririnig tungkol sa malalaking pangyayari sa lipunan na sa kinalaunan ay naiwawaglit sa kaisipan.
Kung ihahambing, para lang itong usong laruan ngayon at kapag nalaos ay itatabi na lamang.
Kung minsan ay nakakakulo ng dugo ang paniwalang ito lalu na kapag dumarating ang paggunita sa panahon nang ideklara ni dating Pangulong Ferdinand Marcos noong Set. 21, 1972 ang Batas Militar, at ang madidilim na pangyayaring sumunod dito.
Ang mga bangungot na iniwan ng Batas Militar ay tila balewala na ngayon sa maraming mamamayan. Ang higit na masakit ay ang makarinig ka pa mula sa mga kabataan na “best years” daw ang panahon ni Macoy dahil higit na maunlad ang bayan at tahimik — ang mga panlinlang at maling kaisipan na pilit na itinatanim sa isip ng mga batang ayaw alamin ang katotohanan.
Nasaan na ang mga nakatatanda sa ngayon na magsasabi sa kanila na hindi dapat ihalintulad ang sinasabing maunlad na kalagayan ng Pilipinas kung ang mga batayang-karapatan ay sinasagkaan.
Dapat na makapag-iwan ng malaking aral ang Batas Militar, lalo na sa mga kabataan ngayon na tila mga naging bulag at bingi sa nakaraan.
Kung ngayon pa lang ay tila walang pagpapahalaga sa nakaraan ang marami, ano pa kaya ang mananaig sa susunod na henerasyon?
Kalilimutan na lang ba ang bawat mga aktibistang ikinulong at tinortyur? Kalilimutan na rin lang ba ang mga magsasaka at mga manggagawa at iba pang indibidwal na basta na lamang pinatay?
Ang kalayaang ninakaw sa bawat Filipino ay basta na lamang bang iwawaglit sa kaisipan? Kalilimutan na lang ba ang lupit ng Batas Militar?
Ang latay na iniwan ng Batas Militar ay hindi dapat kalimutan, kundi dapat sariwain ang bawat malulupit na ala-ala nito. Dito nararapat humugot ng lakas ng loob at aral ang mamamayan upang hindi na maulit ang tinatawag na madilim na kasaysayan ng bansa.
Ang demokrasya na umiiral ngayon ay bunga ng pagpupunyagi at pakikibaka ng bawat isa na lumaban sa diktadurya.
Tulad ng malayang pamamahayag na ngayon ay tinatamasa ng lahat ay dapat ingatan at higit pang pagyamanin.
At sa paggunita ng ika-42 anibersayo ng pagdedeklara ngBatas Militar, lingunin ng bawat isa ang nakaraan para sa maayos na kinabukasan.
Bangungot ng Batas Militar
MOST READ
LATEST STORIES
Read more...