Matindi ang iniwanang pananalanta ng bagyo at hanging habagat. Nagbaha sa buong Maynila, nagsarado ang mga kalye, daang milyon na naman ang ibinagsak ng ekonomiya.
Parang naulit lang ang Ondoy, ayon sa mga taga-Marikina, nagulantang na lang sila paggising sa umaga dahil mataas na ang tubig sa loob ng kanilang mga bahay.
Taong 2009, nasa White Space kami sa Makati para sa selebrasyon ng kaarawan ni Senador Bong Revilla, nagbabadya na nu’n ang matinding bagyo. September 25 nang gabi ‘yun.
Pag-uwi namin kinahatinggabihan ay baha na sa maraming kalye, malakas pa rin ang buhos ng ulan, kinabukasan ay nagmistula nang dagat ang buong Rizal.
Para nga namang naulit ‘yun pagkatapos nang limang taon dahil parehong-pareho rin ang nangyari, lumubog ang maraming lugar sa Marikina at Cainta, parang naging malaking ilog din ang kabuuan ng Araneta Avenue.
Komento ng isang kaibigan namin, “Hindi pa rin handa ang gobyerno natin sa mga ganitong kalamidad. Nagkampihan lang ang bagyo at habagat, nagdelubyo na naman, kapos na kapos sa paghahanda ang gobyernong ito para sa kaligtasan ng mga nasasakupan nila.
“Puro pangungurakot kasi ang inaatupag, bulsa muna nila ang inuuna kesa sa paghandaan at matuto sa mga nakaraang kalamidad. Ang katwiran nila, e, bahala na si Batman, ugaling asal talaga, nakakayamot!” sentimyento ng aming kausap.