Huwag umasa sa Pagasa

ANO kaya ang paliwanag ngayon ng gobyerno sa nangyaring pagbaha sa Metro Manila at karatig lalawigan kung saan lahat ay nagulat at hindi inaasahan na ang National Capital Region (NCR) pala ang tutumbukin ng bagyong Mario?

Hindi ba dapat ay may managot sa panibagong kapalpakang ito? Ang tanong, naging tama ba ang pagtaya ng Pagasa hinggil sa galaw ng bagyong Mario?

Dati-rati kasi, gabi pa lamang ay nagdedeklara na ng walang pasok sa mga paaralan kapag may bagyong inaasahang mananalasa.

Huwebes pa lamang ng hapon ay binabayo na ng ulan ang Metro Manila, pero dinedma ito ng mga opisyal at wala man lang ginawang pagsususpinde ng klase para sa araw ng Biyernes.

Biyernes, marami pang mga estudyante ang nakapasok sa kani-kanilang paaralan at nabasa ng ulan, bago pa tuluyang sinuspinde ang klase.

Alas-5 ng umaga ay nagdeklara na ng orange rainfall warning (moderate to heavy) ang Pagasa pero mangilan-ngilan pa lang na mayor sa Metro Manila ang nagdeklara ng suspensyon ng klase.

Halatang walang koordinasyon ang Pagasa sa mga local government units (LGUs). Pasado alas-sais na ng umaga ng magdeklara si Executive Secretary Paquito Ochoa, Jr. na wala nang pasok sa lahat ng antas sa Metro Manila at sa 15 karatig probinsiya.

Ang nakakalungkot dito, maraming residente ang binaha at kailangang ilikas sa kasagsagan ng bagyong Mario.

Kung kasi nakapaghanda ang pamahalaan, nakapagpatupad sana ng preemptive evacuation bago pa man binaha ang maraming lugar sa NCR.

Alam naman natin kung saan ang mga kadalasang binabahang mga lugar lalu na ang mga nakatira sa mga dangerous zone.

Hindi ba’t sinibak ni Pangulong Aquino ang noo’y pinuno ng Pagasa na Prisco Nilo dahil umano sa palpak na pagtaya ng weather bureau hinggil sa pagtama ng bagyong Basyang noong 2010.

Hindi rin katanggap-tanggap ang magiging alibi ng gobyerno na hindi inaasahan ang epekto ng bagyong Mario dahil ito ay may kasamang epekto ng habagat.

Kahit ano pa ang palusot ng gobyerno, palpak ang naging paghahanda sa pagtama ng bagyong Mario at kailangan ay may managot.

Kapansin-pansin din ang pagpapel ni Interior Secretary Mar Roxas noong Biyernes kung saan siya ang humahawak ng mikropono sa pagpupulong ng NDRRMC.

Sa oras ng delubyo, pamumulitika pa rin ang nangibabaw kay Roxas at kung sino man ang nagpapayo sa kanya.

Hindi naman masamang papelan ang trabaho ng iba kung epektibo siya sa pagresolba sa mga problema ng kanyang nasasakupan, partikular ang kriminalidad sa bansa na siyang nasa ilalim ng kanyang pamamahala bilang kalihim ng DILG.

Hintayin natin kung may aako sa kapalpakan sa nangyaring pagbaha sa Metro Manila at kung may masisibak din.

Read more...