Victorious One

KUNG palagi nating nakikita si Bossing Vic Sotto sa mga basketball games kung saan featured ang kanyang manugang na si Marc Pingris (asawa ni Danica Sotto), makikita rin kaya natin siya sa mga biking events mula ngayon?

Ang katanungang ito ay lumutang matapos na maging involve sa cross country biking ang anak ni Bossing na si Vittorio “Oyo Boy” Sotto na kapatid ni Danica.

Si Oyo Boy ay presidente ng Victorious One na siyang partner ngayon ng Nuvali para sa 2014 Dirt Weekend na gaganapin sa Nobyembre 21-23.

“Malaking challenge para sa Victorious One ang Dirt Weekend,” ani Oyo Boy na mahigit isang taon nang involved sa cycling. “We’re hoping na dumami talaga ang sasali sa event na ito.”

Ayon kay Oyo Boy ay nagsimula siyang magbisikleta mahigit isang taon na para lang sa physical fitness. Dati ay iba’t-ibang sports events ang kanyang ginagawa.

“Pero iba kasi ang pagbibisikleta. Talagang mag-eenjoy ka,” aniya. “It came to a point na marami kang makikilalang bike enthusiasts din. Nagkakaroon kayo ng bonding. Nagkukuwentuhan kayo about your equipment, your diet and other things.”

Ayon kay Oyo Boy, sa kanyang Facebook group lang ay may halos 20,000 members na ang nagpapalitan ng kani-kanilang opinyon at suggestions patungkol sa biking.

“Hindi lang naman ako ang nahilig sa bike sa pamilya, e. Kahit na ang misis ko ay mahilig na rin sa biking,” ani Oyo Boy referring to his better half na si Kristine Hermosa. “Kahit na si Marc (Pingris) ay mahilig din. Minsan nga, nagbibisikleta lang si Marc papunta sa ensayo nila ng San Mig Coffee para okay na kaagad ang circulation niya bago pa man sila magsimula.”

Ang tatay ba niya ay mahilig sa bike?

“Hindi na siguro. Manonood lang ‘yun ng basketball o kaya ng competition sa Nuvali pag niyaya ko. Pero ang sport niya talaga ay golf,” ani Oyo Boy patungkol kay Bossing.

Ayon sa mga namamahala sa Nuvali Dirt Weekend ay maganda para sa kanila ang involvement ni Oyo Boy dahil kailangan ng sport na cycling ng isang popular na endorser upang makakuha ng mas maraming suporta sa pribado ay sa gobyerno na rin.

Ang 2014 Nuvali Dirt Weekend ang ikaanim na staging ng event.

Mula noong 2009 ay lumaki na nang lumaki ang partisipasyon ng mga bikers sa event na ito. Inaasahang isang record turnout ang masasaksihan ng lahat sa Nobyembre.

Taun-taon ay nagkakaroon ng mga bagong events sa Nuvali. Noong 2013 ay idinaos ang kauna-unahang UCI national mountain bike championships.

Sa Nobyembre ay gaganapin ang UCI national championships for cross country marathon (80 kilometers). Kabilang din sa gaganapin ang four-cross race at 30-kilometer cross country race.

Ang official practice para sa mga events ay magaganap sa Nobyembre 21.

Hindi naman lalahok si Oyo Boy sa mga events bagamat gusto sana niya. Kasi nga’y magiging abala siya sa pamamahala ng mga ito.

Tara na sa Nuvali!

Read more...