Katabaan: Tanggap mo ba?

HINDI pa rin tapos ang pagtalakay natin sa katabaan dahil “Obesity Awareness Month” ngayon.

Paano mo malalaman na ang katabaan mo ay nagbabadya ng panganib sa iyong kalusugan?

Una ay alamin ang iyong timbang. Kadalasan kapag ang isang tao ay tumataba, lalo na kung babae, iniiwasan nya ang timbangan at baka bumulaga sa kanya na sobrang bigat na pala niya.

Ang hindi pagtanggap ng katotohanan o denial ay hadlang para masolusyunan ang problema. Ang denial ang magkukubli sa isipan na huwag sisihin ang sarili kung bakit ka nagging mataba. Kaya, iba’t ibang dahilan ang ibinibigay para lang makakain pa kahit busog na.

Kailangan ibase sa taas o height ang timbang para makuha ang Body Mass Index (BMI) na siyang tutukoy kung obese na o maayos pa ang iyong timbang. Ito ang magsasabi kung ang timbang ay tama sa taas.

Ang formula ay Weight (pounds) X 704.5 divided by Height (inches) squared. Kapag ang BMI ay sobra sa 27kg/m2, ang isang Pilipino ay maaaring magkaroon ng sakit na gaya ng diabetes, alta presyon, pagtaas ng Lipids (Cholesterol/Triglycerides), pagputol-putol sa pagtulog at iba pa.

Makakatulong ang sukatin ang laki ng beywang. Sa lalaki dapat mas maliit sa 36 na pulgada, at sa babae naman dapat hindi mataas sa 32 na pulgada. Lampas sa mga sukat na ito, masasabi na mataba na. Ang laki ng pigi o “Hip Circumference” ay pwede rin magamit na basehan ng katabaan, sa kadahilanan na dapat ang beywang ay mas maliit sa pigi. Kaya nga may sinasabing “coca-cola body” hindi “coke in can” o “coke 2 litro”.

Pero meron ang pinakamadali na paraan para makita ang iyong katabaan.

Ito ay ang “Dr. Heal’s Jump Test”. Tumayo ka sa harap ng salamin na ang iyong mga bisig ay nakadukwang at ikaw ay tumalon ng bahagya sa iyong kinatatayuan. Ang lahat ng gumalaw na paulit-ulit “Jiggle” ay taba.
Ang body fat analysis ay magbibigay ng larawan kung gaano karami ang taba sa katawan.

Sa isang Pinoy, ang ordinaryong konsumo sa pagkain kada araw ay 2,000 calories. Kapag kumakain ka ng sobra sa normal, malamang na mataba ka.

Hindi ka mahilig mag-eherisyo pero malakas kumaion, malamang mataba ka rin.

Ayaw mong humarap sa salamin lalo na’t nakikita mong masikip ang iyong damit at mukha kang suman. Kapag puro dark clothing ang iyong isinusuot para itago ang bulges, malamang tumataba ka nga.

Kapag may “guilt feeling” sa tuwing kakain ka, tiyak may issue ka sa iyong timbang. Kapag hindi mo pinapansin ang ibang matataba, kulang ka nga sa obesity awareness at nasa “denial state” ka.

Kapag sumasakit ang tuhod, sakong, balakang at likod, tingnan mo ang iyong timbang. Kung may sleep apnea ka, tiyak mataba ka.

Marami pang mga sakit na kaakibat ng katabaan, patingin ka muna sa doktor ka-barangay para malaman kung ikaw nga ay mataba.

Sundan si Doctor Heal sa Radyo Inquirer 990 am tuwing ika 8-9 ng gabi, Lunes hanggang Byernes sa palatuntunang RADYO MEDIKO.

Read more...