Derek Ramsay nakipagkasundo na sa dating asawa

DEREK RAMSAY

DEREK RAMSAY

PURO kasinungalingan ang nakalagay sa counter affidavit ni Derek Ramsay bilang sagot sa mga paratang ng dati niyang asawang si Mary Christine Jolly.
Sa reply affidavit ni Mary na ipinadala sa amin, ipinagdiinan nito na siya ay biktima ng physical, psychological at economic abuse ng kanyang estranged husband na si Derek na idinidenay nga ng aktor. Isa-isa nitong sinagot ang mga paratang sa kanya ng dating asawa na aniya’y puro gawa-gawa lang.
Kanina, nagkita muli sina Derek at Mary sa Makati Prosecutor’s Office para sa pagdinig ng kaso nilang R. A. 9262 o Anti-Violence Against Women and their Children Act. Kasama ni Mary ang kanyang lawyer na si Atty. Argee Gueverra. Sa panayam namin lawyer ni Mary, sinabi nitong hindi natuloy ang pagpa-file nila ng reply affidavit kanina matapos magkausap ang estranged couple sa tanggapan ni Fiscal Erwin Dimayacyac. Binigyan sila ng korte ng pitong araw para paghandaan ang susunod na hearing at ayusin ang dapat ayusin.
Ibig sabihin, posibleng maayos pa ang kaso ng dalawa. Nauna nang sinabi ng kampo ni Mary na bukas naman sila sa pakikipag-ayos kay Derek. Pag-uusapan daw ng magkabilang kampo ang isang “agreement” para sa “support, visitation rights, annulment, and citizenship” ng anak nila. Pero kung hindi pa rin sila magkakasundo, itutuloy na ni Mary ang paghahain ng kanyang reply affidavit.
Kasabay nito, hiniling ng city prosecutor sa media na huwag nang ilabas ang laman ng reply-affidavit ni Mary dahil hindi naman ito nai-file.
Nagbigay din ng maikling pahayag sina Mary at Derek sa press pagkatapos ng closed-door meeting. Ani Mary, “We will try to be amicable for the kid.” Sabi naman ni Derek, “We took a step forward for his future.”
Pero bago nga ito, ayon kay Mary, handa siyang patunayan ang lahat ng mga akusasyon niya sa aktor, kabilang na ang sekswal na pang-aabuso sa kanya ni Derek.
Aniya, nang minsan daw siyang tumangging gawin ang isang sexual act na gusto ni Derek, ilang beses diumano siyang sinaktan nito. Lumaban daw siya kay Derek at tinanong kung bakit siya sinasaktan. Tinawanan lang daw siya nito at saka umalis ng kanilang bahay. Dito na raw siya nagdesisyong iwan ang asawa.
Bukod dito, sinabi pa ni Mary na madalas din daw siyang makaranas ng “verbal abuse” mula kay Derek. Lagi raw siyang tinatawag nitong “slut,” “bit***h,” “flirt,” at “over-used.” Wala rin daw siyang “suicidal tendencies” tulad ng akusasyon sa kanya ni Derek.
Idinenay din niya ang paratang ni Derek na nagtangka siyang tumalon sa bintana ng tinitirhan nilang apartment noon.
Kung matatandaan, nagsalita na si Derek noon na meron silang sapat na ebidensiya para pabulaanan ang lahat ng akusasyon sa kanya ng dating asawa. Pero sa mga bagong pasabog ni Mary, bukas ang BANDERA sa magiging paliwanag ni Derek para ipagtanggol ang kanyang sarili.
Samantala, ayon kay Mary,  pinag-iisipan pa raw niya kung sasampahan din niya ng kaso ang mga babaeng nakarelasyon ni Derek. Gusto kasi niyang patunayan ang pambababae at pagiging iresponsable ng aktor sa kanyang pamilya.

Read more...