Dj Mo malupit, matinding maghiganti

Walang katahimikan ng kalooban si DJ Mo Twister.

Naturingang nasa ibang bansa na siya ngayon pero ang utak at mga daliri niya ay abalang-abala pa rin sa pananakit sa kanyang dating girlfriend na si Rhian Ramos.

Nakakalungkot lang isipin na matalino naman si Mo Twister, pero hindi niya ginagamit sa tamang paraan ang kanyang talento, punumpuno ng galit ang kanyang puso na nagiging dahilan kung bakit hanggang ngayon ay sinasaktan niya pa rin ang kanyang dating karelasyon.

Nakakapanghinayang ding isipin na kung noon ay para silang pukyutan sa sobrang katamisan, ngayon naman ay mas maasim pa sa suka ang kinauwian ng kanilang relasyon, lalo na sa panig ni Mo na kung makapag-tweet ng mga paninira kay Rhian ay parang bawal nang manakit sa kinabukasan.

Kung ilarawan niya ang dalaga ay sinungaling, mapagpanggap, mahilig sa sex at takot sa responsibilidad.

Ang pinag-ugatan nu’n ay ang bintang ni Mo na ipinatanggal ni Rhian nang dalawang beses ang naging produkto ng kanilang pagmamahalan.

Pero nasaktan na niya si Rhian nang todo-todo, masyado nang napahiya ang dalagang aktres nang dahil sa mga video na inilabas niya, ano pa ba ang gustong makita ni Mo na paghihirap ni Rhian para lang tantanan na niya ito?

Napakatindi namang maghiganti ni Mo Twister, malapit na ang Mahal Na Araw na nagpapalambot sa puso ng sanlibutan, pero heto at puro pananakit pa rin kay Rhian Ramos ang laman ng kanyang bokabularyo?

Malupit ang taong ito.

Totoo ang kanyang sinabi noon na ibinubulsa lang niya ang mga kapintasan ng kanyang kapwa, pero kapag nag-away sila, du’n niya isa-isang ilalabas ang mga kabahuan ng kanyang kalaban.

Nakakatulog pa kaya si DJ Mo Twister sa kanyang mga pinaggagagawa?

O, sanay na siya sa ganyang trabaho? Nakakaawa ang taong ito.

By: Cristy Fermin

Read more...