PINAWALANG-sala ng Court of Appeals si da-ting police Senior Supt. Michael Ray Aquino, ang pinaghihinalaang utak sa pagpatay kay PR man Bubby Dacer at ng driver nito na si Emmanuel Corbito.
Sabi ng appellate court, wala raw ebidensiya na kasama si Aquino sa abduction-murder.
Ilang miyembro ng kinatatakutang Presidential Anti-Organized Crime Task Force (PAOC-TF), kung saan isa sa mga lider ay si Aquino, ay nakakulong ngayon habang hinihintay ang kanilang paglilitis.
Kung aayunan natin ang logic ng Court of Appeals, ang pagpatay kina Dacer at Corbito ay isinagawa lang mga tauhan ng PAOC-TF na walang utos sa itaas.
Sa bansang ito, ang mga maliliit na akusado lang ang nakukulong; ang mga maimpluwensiya, mayayaman at makapangyarihan ay napapawalang-sala.
Isa pang halimbawa na ang mayayaman at maimpluwensiya ay hindi nabibilanggo ay ang pagpapalabas kina Cedric Lee, isang multi-millionaire, ang kanyang sidekick na si Simeon Palma Raz, Jr. at girlfriend ni Lee na si Deniece Cornejo.
Pinahintulutan ni Taguig Judge Paz Esperanza Cortes na makapagpiyansa ang tatlo na akusado ng serious illegal detention, isang krimen na walang bail o piyansa.
Matatandaan na ang complainant ay ang actor-comedian na si Vhong Navarro.
Sabi ni Judge Cortes hindi naman daw serious illegal detention ang ginawa ng tatlo dahil wala naman silang balak na kidnapin si Vhong at patubusin ng ransom.
Kahit na ang mga first year law students ay natatawa sa desisyon ni Cortes.
Anong nagtulak kay Cortes na gumawa isang desisyon na naging katawa-tawa siya?
Ang tanong na yan ay sasagutin ng isa ring tanong: Anong gustong mo, ang maging bobo at walang prinsipyo na mayaman o maging mautak at maprinsipyong tao pero mahirap?
Aber!
Puwede nang matulog ng mahimbing si Pangulong Noy dahil nailipat na ngayon si retired Army Maj. Gen. Jovito Palparan sa Army detention center sa Fort Bonifacio.
Ipinag-utos ni Judge Teodora Gonzales ng Bulacan Regional Trial Court ang paglipat ni Palparan upang siya’y ligtas.
Maraming mga militante ang gustong saktan si Palparan dahil pinaghihinalaan nila siya na mastermind sa pagkawala ng dalawang militanteng estudyante ng University of the Philippines (UP) noong siya’y commander pa ng Army 7th Infantry Division.
Kung may nangyaring masama kay Palparan sa Bulacan provincial jail ay di malayong magrerebelde ang maraming sundalo laban kay Pangulong Noynoy na kanilang commander-in-chief.
Inaakala ng karamihang kawani ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na pinahihirapan ni P-Noynoy si Palparan dahil kaibigan ng huli ang dating Pangulong Gloria.
Si Palparan ay hinihirang na bayani ng kasundaluhan.
Maraming pulis at sundalo ang umiiwas na makaengkuwentro ang mga kriminal o rebelde dahil kapag sila’y nasu-gatan, ipagagamot sila sa Camp Crame Hospital o V. Luna Hospital.
Takot sila nag mapa-gamot sa dalawang nasabing ospital dahil baka raw sila mamatay sa kakulangan ng mga medisina at pag-aaruga sa mga pasyente dito.
Mga pulis at sundalo, huwag na kayong mag-alala kapag kayo’y nasugatan o nasaktan sa engkwentro sa masasamang-loob.
Tatanggapin kayo ng Chinese General Hospital (CGH) ng walang bayad sa hospitalization at libreng medisina!
Ang CGH ay isa sa pinakamagaling na ospital sa bansa. Ang botika nito ay punong-puno ng lahat ng klaseng medisina.
Ang philanthropist na si James Dy, president ng CGH, ang may pakana ng walang bayad na pagpapagamot at medisina sa mga pulis at sundalo na nasugatan in line of duty.