Mommy Dionisia ayaw magpa-picture pag walang make-up

Aliw na aliw kami sa kuwento ng aming kaibigan tungkol kay Mommy Dionisia Pacquiao.

Nakasabay kasi nila ang dakilang ina ni Congressman Manny sa flight nila pabalik sa Maynila mula sa GenSan nu’ng isang araw.

Pagdating daw ni Mommy Dionisia sa airport ay isang may edad nang babae lang ang kanyang kasama, wala siyang mga bodyguard, basta silang magkaibigan lang ang dumating sa paliparan.

Pagdating nila sa loob ay nakita nila si Mommy Dionisia na nagme-make-up, hindi raw kasi siya nakapagkolorete ng kanyang mukha bago sila umalis sa bahay, masyado raw siyang abala sa kung ano-anong trabaho.

May gustong magparetrato sa kanya, pero si Mommy Pacman ang humarang, “Pabayaan mo muna akong makapag-make-up para maganda naman ako sa picture natin.

Tingnan mo naman ang itsura ko, ‘Day, parang ako ang binoksing ni Marquez!”

Pinabayaan muna ng mga kababayan natin na matapos sa kanyang pagme-make-up ang ina ng Pambansang Kamao, mabilis siyang kumilos, ilang minuto lang tapos na siya.

“Nakakaaliw talaga siya dahil siya na mismo ang tumayo.

Para siyang naka-megaphone, ‘O, mga kababayan kong mahal! Tapos na akong mag-make-up, ‘yung mga gustong magpa-picture sa akin, pila-pila na kayo!’

“Tayuan naman ang mga nasa waiting area, talagang pumila sila nang maayos sa pagpaparetrato kay Mommy D, napakabait niya, siya pa mismo ang yumayakap sa mga tumatabi sa kanya.

“Sa kanya pala nagmana si Pacman, ganu’n din kasi ang anak niya, walang kaartehan sa katawan, mabait sa tao, hindi siya nagsusuplado kahit pa sikat na sikat na siya sa buong mundo,” kuwento ng aming kaibigan.

Mismo! Ganu’n kagiliw si Mommy Dionisia Pacquiao sa kanyang mga tagahanga, kinakantahan pa nga niya ang mga kababayan natin, kaya maraming nagmamahal sa kanya.

By: Cristy Fermin

Read more...