Naudlot pala ang napabalitang pagkakamabutihan nina Direk GB Sampedro at Ritz Azul. Kuwento ng kanilang mga kasamahan nu’ng may ginagawa pa silang pelikula ay hindi magkandaugaga ang direktor sa set kapag dumarating na si Ritz.
Agad na itong magpapabili ng pagkain sa utility, mga paborito siyempre ng dalaga ang ipinabibili nito, akala nga nu’n ng kanilang mga kaibigan ay sila na.
Pero biglang wala na, sa kanyang mga interview ay sinasabi ni Ritz na career pa rin ang mas mahalaga para sa kanya, makapaghihintay raw ang kanyang lovelife.
Hindi na bago ‘yun, dati nang may mga nanliligaw kay Ritz na walang napala, civil naman siya sa mga ito pero talagang career ang pinagbubuhusan ng atensiyon ng magandang dalaga.
May pangarap siyang ibangon ang kanyang pamilya sa kahirapan, dating OFW ang kanyang mga magulang na nang umuwi ay nagtayo ng negosyo, pero nalugi.
Gusto niyang mabigyan ng magandang buhay ang kanyang daddy at mommy, nag-iisang anak lang si Ritz, walang ibang maghahandog nu’n sa kanyang mga magulang kundi siya lang.
“Family ko po ang first priority ko. Kailangan kong magsipag at mahalin ang work ko para sa kanila. Gusto ko po silang makitang maligaya dahil minsan na po silang nabigo,” makahulugang pahayag ng magandang si Ritz Azul.