PINAG-UUSAPAN ngayon ng maraming pulitiko at negosyante ang alegasyon ni dating Makati vice mayor Ernesto Mercado na 13 percent na “komisyon” daw sa mga proyekto ang napupunta kay dating Makati mayor at ngayo’y VP Jojo Binay.
Sa totoo lang, ang ganitong mga “tara” o “porsyento” para sa kahit kaninong alkalde ay open secret sa mga negosyante, kontratista man o “supplier”.
Alam nila kung sinu-sinong mayor, gobernador, senador, congressman, konsehal o kahit barangay captain sa buong bansa ang “parehas” humingi ng “tara” o kaya naman kung sinu-sino ang ubod nang takaw o sino yung ang mahilig mag-“advance”.
Dito sa Metro Manila, imposibleng walang alkalde ang hindi nanghihingi ng porsyento sa kanilang infra projects , “supplies” at koleksyon ng basura.
Dito sila kumukuha ng kanilang “election funds” kasabay na rin siyempre, ang pagpapayaman ng kanilang bulsa.
Sa tagal ng aking pag-cover, ang karaniwang porsyento ng Metro Manila Mayor noon at maging ngayon ay mula 10 hanggang 25 percent sa mga gawaing bayan o infra projects. Ang sistema diyan halimbawa sa Makati, kung 13 percent ang meron kay Mayor Binay, ang mga nasa ilalim ay 4-5 percent naman ang pinaghahatian ng Treasurer, City Engineer, Secretary to the Mayor at iba pa. At sa kabuuan ay 17 percent ang ibinabayad ng kontratista o supplier kaya naman everybody happy.
Pero paano kung 25 percent ang hiningi ng matakaw na mayor, idagdag mo pa iyong 4 percent sa ilalim? Nakupo! 30 percent ang kaltas kayat kawawa ang proyekto.
Kung totoo ang alegasyon na may kickback na 13 percent si Binay sa Makati projects at ang annual infra budget halimbawa ay P1-B, ibig sabihin meron siyang P130 milyon o kabuuang P390 milyon sa kanyang tatlong taong termino. Isipin na lang ninyo, 27 years siya sa pwesto.
Pero, magkano naman kaya ang porsyento nina Mayor Bistek Bautista ng QC at Manila Mayor Joseph Estrada na meron ding P1-B na infra budget? 13 percent din kaya? Magkano ang komisyon nina Pasay city Mayor Antonio Calixto at Kalookan City Mayor Oscar Malapitan na parehong tig P600-M ang taunang infra?
Napapaisip din ako kung ilang porsyento naman kaya sa bawat project sa Taguig city, kung saan ang mayor ngayon ay si Lani Cayetano, misis ni Senador Alan Peter Cayetano? P500 milyon infra budget diyan sa Taguig city ng mag-asawang Cayetano, at kung sa 10 percent ang “tara” diyan, malinis na P50 milyon kada tao o P150 sa tatlong taon. Naniniwala ba kayo na zero percent ang “tara” lalo’t wala raw corruption sa Taguig ayon na rin sa TV commercial nila?
Hindi na rin ito iba sa mga senador at kongresista na pawang mga “commissioner” din at nagkukumahog sa mga pork barrel projects. Hindi bat kaya nakakulong ngayon sina Jinggoy, Bong Revilla at Enrile ay dahil sa komisyon na 40 hanggang 50 percent sa pekeng NGO ni Napoles? Sa palagay niyo ba hindi rin namumursyento ang mga taga-Liberal Party?
Magkano naman kaya ang kinukuhang “porsyento” nina Senators Cayetano, Antonio Trillanes at Koko Pimentel sa kanilang mga “pork barrel” projects maging iyan ay PDAF, DAP o Line item appropriation o ang bagong Grassroots o “Bottom up budgeting” (BUB) ? Wala nga kaya?
Pare-pareho lang sila! At iyon ang alam ng mga simpleng mamamayan.