Kris handa na sa halikan nila ni Binoe


MAGSISIMULA na ang taping ng bagong teleserye nina Kris Aquino at Anne Curtis sa ABS-CBN, ang Kailangan Ko’y Ikaw kung saan makakasama rin nila si Robin Padilla sa direksiyon ni Joyce Bernal.

Sa darating na Sabado ang first taping day nina Kris kaya siyempre, excited na ang mommy nina Joshua at Bimby dahil matagal-tagal na rin siyang hindi nag-taping for a teleserye, ang last pa yata niyang soap ay ang Kung Tayo’y Magkakalayo with Kim Chiu and Gerald Anderson.

Inaasahan na ng mga manonood ang acting showdown na mangyayari sa pagitan nina Anne at Kris, lalo pa’t medyo kakaiba ang tema ng Kailangan Ko’y Ikaw.

Tungkol ito sa isang babaeng may sakit na handa na sanang iwan ang lahat-lahat sa kanyang buhay, pero bigla siyang paglalaruan ng tadhana.

At siyempre, marami na rin ang nag-aabang kung tototohanin nga nina Kris at Binoe ang sinabi nila na hindi na sila mag-iinarte pa kapag inutos sa kanila ni direk Joyce na sila’y maghalikan.

Sabi nga ni Tetay, kung kinakailangan daw talaga sa kuwento ang intimate scenes, why not!

Ang of course, kaabang-abang din ang mga maiinit na eksena nina Robin at Anne na kilala naman nating palaban din sa mga love scene.

At si Binoe pa ba ang tatanggi diyan?

Siyempre, go lang ‘yan nang go, di ba, Mariel Rodriguez? He-hehehe!

Bukod sa Kailangan Ko’y Ikaw, tuloy pa rin ang morning show ni Kris sa ABS na Kris TV, sa katunayan, bukas nakatakda siyang mag-taping sa Subic para sa isa na namang espesyal na episode.

Kung sino ang dadayuhin ni Kris sa Subic, ‘yan ang inyong tutukan. Gow!

Read more...