Rocco: Hindi mukhang pera si Lovi!


“USAPANG lalaki-lalaki!” ‘Yan ang gagawin ng Kapuso leading man na si Rocco Nacino kapag nakita niya nang personal ang direktor na si Erik Matti na nang-alipusta at nanghamak sa kanyang girlfriend na si Lovi Poe kamakailan.

Si Erik Matti ang direktor ng MMFF entry na “Aswang Chronicles” part 2 kung saan kasama nga dapat si Lovi bilang isa sa partner ni Dingdong Dantes.

Pero mukhang malabo na nga siyang umapir sa pelikula matapos siyang pagsalitaan ng masasama ng direktor sa pamamagitan ng Facebook.

Ayaw na kasing gawin ng aktres ang nasabing proyekto dahil daw maikli lang ang kanyang role, nanghihingi rin daw ang kampo ni Lovi ng napakalaking talent fee na imposibleng maibigay ng mga producers, kabilang na nga riyan sina direk Erik at Dingdong.

Sa presscon ng bagong teleserye ni Rocco sa GMA, ang Hiram Na Alaala kung saan makakasama rin niya sina Dennis Trillo, Kris Bernal at Lauren Young, nagpakatotoo ang aktor sa pagtatanggal kay Lovi.

Sey ni Rocco, sobrang nasaktan si Lovi sa ginawa ng direktor pero hindi naman daw ito inatake ng grabeng depresyon tulad ng napapabalita. Medyo okay na raw ngayon ang dalaga.

“Yes, na-hurt siya, kahit sino naman sigurong tao kapag dumanas ng ganoon, masasaktan din, maaapektuhan din. Very hurtful naman talaga yung mga words.

But I told her to be strong, sabi ko sa kanya, wala naman siyang kasalanan.  She doesn’t have to feel bad about it. “Ang sabi ko sa kanya, wag na siyang masyadong paapekto, at hindi niya kailangang matakot kasi alam naman ng mga kasamahan natin sa industry what kind of person she is.

And I know, she’s not like that para tumanggi lang ng ganu’n sa isang project. I know she has reasons. Pero sabi ko nga, hindi ako ang dapat magsalita about that.

“Tingin ko, they just have to talk, yun lang, pag-uusap lang talaga ang dapat mangyari para maayos ang lahat. Ako, nandito lang ako para pakinggan siya, para damayan siya.

Kasi, sabi ko nga, I’m not in the position to talk, wala ako sa posisyon para makialam. But I must admit, as her boyfriend, na-upset din ako sa nangyari. Na-hurt din ako.

“Pero may respeto pa rin naman ako kay Erik Matti, I have nothing against him and if I see him, kakausapin ko siya nang maayos, in a mature way, nang lalaki sa lalaki.

Hindi ko pa siya nami-meet personally. Hindi ko pa kasi siya nakakatrabaho. Pero hindi naman tulad ng iniisip ng iba na magiging confrontational, I won’t take things into my own hands,” mahabang paliwanang ng binata.

Bilang boyfriend, all out ang support niya kay Lovi, “Sinasabihan ko siya ng mga dapat gawin. How she should feel about it, to take the higher road. Parang mag-usap sila ng manager niya kung paano nila iha-handle ‘yon.

Siguro dapat mag-usap sila in person, in a closed-door meeting para magkaayos ang lahat. Sigurado ako, misunderstanding lang ang lahat. Kaya sana maayos na ang problema.

“Sinasabi ko rin sa kanya na huwag na siyang mag-worry o matakot. Kasi alam naman ng lahat ng tao na hindi siya mukhang pera. She would glady accept a cameo role in an indie movie, kahit one day shoot lang ‘yan.

Everyone knows how professional she is,” sey pa ni Rocco. Samantala, sa presscon ng Hiram Na Alaala last Thursday night, marami ang nakapansin na ang laki ng ipinayat ni Rocco.

Sey ng binata, dahil daw ito sa training na pinagdaanan nila ni Dennis para sa mga maaaksiyong eksena nila sa kanilang bagong TeleBabad series kung saan gaganap nga silang mga sundalo ng Armed Forces of the Philippines.

Bukod dito, pinaghahandaan na rin niya ang pagrampa sa The Naked Truth underwear fashion show ng Bench next week at ang Jiu-jitsu tournament na sasalihan niya very soon.

“Actually, ang Jiu-jitsu (martial at combat sport) ang talagang nagpapayat sa akin bukod sa rigid training namin as soldiers ng AFP.”

Napanood namin ang trailer ng Hiram Na Alaala at in fairness, isang bagong putahe na naman ito na handog ng GMA TeleBabad sa mga viewers na naghahanap ng bagong kuwento ng mga teleserye.

Sabi nga nina Rocco at Dennis, bawat gabi at bawat episode ng kanilang programa ay talagang aabangan ng manonood dahil sa madadrama, malalaking action scenes at suspense.

Makakasama rin dito sina Jackielou Blanco, Lotlot de Leon, Allan Paule, Antonio Aquitania, Julia Lee, Jenny Rose, Kenneth Paul, Rap Fernandez at marami pang iba.

Ito’y sa direksiyon ni Dominic Zapata na medyo naging emosyonal pa sa kanyang speech during the presscon dahil sa mga realization niya habang ginagawa ang nasabing serye.

Ito’y may kinalaman nga sa mga pinagdaraanan ng ating mga sundalo kapag sila’y nasasabak sa giyera para ipaglaban ang ating bansa laban sa mga kalaban ng estado. Kaya naman suportado rin sila ng pamunuan ng AFP.

Magsisimula na sa Sept. 22 ang Hiram Na Alaala sa GMA TeleBabad kapalit ng Ang Dalawang Mrs. Real.

Read more...