Massage therapist sa papel, nauwi sa pagiging DH

NAGPASAKLOLO si Cristina mula sa Abu Dhabi, United Arab Emirates.

Ayon sa kaniyang email, umalis siya ng Pilipinas noong July 18, 2014. Massage therapist ang trabaho niya sa pinirmahang kontrata.

Ngunit trabaho sa bahay ang ipinagawa sa kaniya.

Sa pagkakaalam niya, ban daw kasi doon ang domestic helper kung kaya’t ibang trabaho ang ipinalalagay sa kontrata.

Ayon kay Cristina, hindi maganda ang pagtrato ng kaniyang amo. Dalawang beses lang kung magpakain ito sa araw-araw.

Isang tinapay sa umaga at tubig lamang. Bawal ang kape. Susundan lamang ito ng pangalawa at huling kain sa pagitan ng 5 p.m. at 7 p.m.

Mga anim (6) na oras lamang ‘anya ang tulog niya kung kaya’t ito ang dahilan nang madalas niyang pagkahilo.

Bukod sa labis na oras ng trabaho, sabi ni Cristina, “super sungit” pa ng kanyang among babae.

“Grabe, grabe, grabe po talaga ang ugali,”ayon kay Cristina.

Bukod dito, walang kuwartong inilaan para sa kasambahay; sa sala lamang siyang pinatutulog. Ang mga gamit niya ay sa gilid ng CR nakalagay.

Nagpadala na siya ng text message sa God’s Fortune Agency na siyang nagpaalis sa kaniya, ngunit hanggang ngayon ay hindi ito sumasagot.

Pakiusap ni Cristina na nais na niyang umuwi sa lalong madaling panahon dahil hindi naman nasunod ang kontratang kanilang pinirmahan.

Ipinadala na namin ang reklamong ito sa tanggapan ni Labor Secretary Rosalinda Baldoz at hihintayin na lang namin ang update mula kay Labor Attache’ David Des Dicang.

Masamang-masama naman ang loob ni Fely, maybahay ng OFW na nasa Saudi Arabia.

Matagal na ‘anyang walang ipinadadalang suporta ang asawa niya dahil nagkaroon ito ng karelasyon sa Saudi at may mga anak na rin doon.

Kahit anong pakiusap ‘anya ni Fely sa mister, nagmatigas ito at tiniis ang kanyang pamilyang iniwan sa Pilipinas

Hindi na nga talaga nagpadala ito. Wala namang magawa si Fely. Wala ‘anya siyang tinapos at pamamasukan lamang ang alam niyang trabaho kung kaya’t hindi rin nakapagpatuloy sa pag-aaral ang kaniyang mga anak.

Wala nang mapuntahan kung kaya’t nakikiusap na lamang siya sa Bantay OCW na bigyan siya ng puhunan na halagang P200,000 upang makapagsimula ‘anya ng maliit na negosyo.

Tiyak ‘anyang hindi naman siya mabibigyan ng gobyerno ng naturang ayuda dahil hindi naman siya ang OFW kundi ang mister, at wala siyang anumang pinanghahawakang dokumento na makapagpapatunay na asawa nga niya ang OFW sa Saudi Arabia, gayong hindi naman niya tuwirang binanggit kung legal ba siyang nakasal kay mister.

Gustuhin man ng Bantay OCW na makatulong kay Fely, ngunit wala kaming kakayahang magbigay ng anumang pinansiyal na tulong.

Libreng serbisyo publiko ang hatid ng aming programa.

Maaari namin siyang tulungan na makausap ang kaniyang mister hinggil sa suportang kinakailangan, lalo pa nga’t menor de edad pa ang kanilang mga anak. Gayunpaman, nakadepende pa rin ang suporta sa kakayahan ng magbibigay at sa lehitimong mga pangangailangan lamang ng humihingi.
Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Inquirer Radio dzIQ 990 AM, mula Lunes hanggang Biyernes, alas 10:30 ng umaga hanggang alas-12 ng tanghali. Maaring sumulat sa bantayocwfoundation@yahoo.com o kaya ay sa susankbantayocw@yahoo.com Helpline: 0927.649.9870

Read more...