UMALAGWA nang husto ang TV5 sa ginanap na grand press launch ng mga bago nilang programa na tiyak maghahatid ng saya, mas maraming drama, siksik na papremyo, samu’t saring patawa, mas pinatinding serbisyo publiko at paghahatid-impormasyon plus sandamakmak na ligaya para sa mga manonood. Kabilang na diyan ang bagong noontime show ng batikang game show host na si Arnel Ignacio para sa Kapatid network, ang Game ‘N Go. Kasama si Arnell ng main host ng bagong noontime show sa Singko si Edu Manzano.
Bukod sa bagong programa sa TV5, isa na ring ganap na indie actor si Arnel sa pamamagitan ng pelikulang “Bola.”
Dito niya ipinamalas ang isa pa facet ng napakarami niyang talents, ang pag-arte na bihira niyang gawin .
Para sa kabuuang detalye ng mga bagong kaganapan sa buhay ni Arnel, narito ang one-on-one interview sa kanya ng BANDERA.
BANDERA:Nakilala at sumikat ka bilang game show host. Paano ka napapayag na mag-host ulit ng isang show kung saan isa ka lang sa mga susuporta sa main host?
ARNEL IGNACIO:Matagal na kaming magkaibigan ni Edu at nagkasama na kami sa isang game show din dati. Idol ko ‘yan, si Edu and anything naman na dumating sa akin basta alam ko na mage-enjoy ako tinatanggap ko.
Gaya na lang nu’ng radio program namin na kahit madaling-araw nae-enjoy ko.
B: Usap-usapan ang kissing scene na ginawa mo sa indie movie na “Bola.” Is this the first time na nakipag-kissing scene ka sa lalaki?
AI: Oo, on-screen, ha. Talagang kailangan nating i-stress ‘yung on screen! Hahahaha!
B: Ano ang feeling?
AI: Masarap. Masarap din ulitin! Pero ano, wala namang dila na nasama. Wala namang malisya.
Pero kung may pagkakataon na kailangan, why not! E, kasi ang lapit nu’ng kamera, e.
Kapag dinaya mo, makikita, e. Halatang peke kaya at least natawid ‘yun ng tama.
Hindi siya mukhang parang pilit, mukhang nagsamantala, mukhang cheap. Mukha akong in love na in love sa kanya at tuwang-tuwa na nakahalikan ko siya.
B: Willing ka ba na gawin ulit ang eksenang ‘yun sa ibang pelikula?
AI: Oh, yes! Hindi kasi ‘yun ‘yung halikan na kapag napanood ng isang bading o ng isang taong in love na in love mai-in love, pigil na pigil ka e, tapos ngayon makakahalikan mo.
B: Naka-ilang take ang kissing scene n’yo?
AI: Lahat ‘yun take one. Tapos, kaya lang siyempre, ang kamera kailangan inuusog.
Tatlong anggulo ‘yun, e, kaya tatlong beses uulitin. E, baka naman sabihin kapag nagkamali pa nagsasamantala ako.
Ayoko naman nu’ng ganu’n. Pero trabaho lang.
Actually, nahihiya ako sa kaeksena ko, si Kenneth Salva.
Kasi ano, alam ko wala siyang masyadong karanasan sa ganu’n, e.
Hindi ko alam, huh! Kasi para siyang ninerbyos after nu’ng scene namin. Pagkatapos namin nilayuan niya ako, e. Para siguro nahiya siyang bigla
B: Pero sumali na raw noon sa Bikini Open si Kenneth kaya ‘di na raw bago sa co-actor mo ang magpa-seksi. Totoo ba?
AI: Oo, pero hindi pala talaga siya ‘yun, at kinagalitan siya ng tatay niya.
Pinauuwi siya. Pinagalitan siya after na may mga lumabas.
Meron kasing mga lumabas, tapos meron kaming kissing scene. E, kapag napanood mo naman ‘yung kissing scene ‘di ba mukhang palaban naman talaga siya ‘di ba?
Siguro kaya siya nahiya kasi, parang ‘yung pagkakaarte niya kasi mukha namang sanay na sanay. Baka kaya siguro medyo nahiya siya.
B: Kinalma mo ba si Kenneth?
AI: Hindi na, kasi nga parang na-shock. Kasi nakikipagtsismisan akong ganito, nu’ng magro-roll na nilapitan ko lang, ginawa namin ‘yung eksena.
Actually, parang ako ‘yung na-guilty baka kako may nagawa ako sa kanya.
Nilapitan ko siya pero pumunta doon sa babae. ‘Yung kalabtim niyang babae. ‘Yung babaeng hubad ng hubad kahit wala pang eksena.
Basta nakunan ng kamera bigla na lang nililislis ‘yung bra niya. Hubad nang hubad. Ha-hahaha!
Sabi ko, ‘Uy ano, ano lang ‘yun, ha?’ Hindi, okey lang daw. Well, ngayon okey na lang daw. Siguro syempre, straight siya, e.
B: Ilalaban ba sa international filmfest ang “Bola?”
AI: I think so. Siguro. Ang alam ko magkakaroon ng premiere night sa California.
Tagaroon kasi ang producer. Mukhang ma-gandang-maganda ‘yung connections ng producer namin, e.
Kasi hindi sila mukhang mahirap na producer. Hindi sila yung mukhang fly-by-night.
B: Malaki ba ang ibinigay na talent fee sa iyo for the movie?
AI: Maliit lang, ‘yung banat na banat sa indie film. Siyempre, per-day pero may pakiusap. Tatlo o apat yata ako na shooting, e.
B: Nage-expect ka ba na manalo ng award for this film?
AI: I don’t know. Kasi sa akin nu’ng pinanood ko parang pakiramdam ko ang dami ko pang kulang, e. After this nga dito ako nag-enroll sa acting classes kasi parang ang hirap i-handle, e.
B: Hindi ba mukhang late na ang pagkuha mo ng acting workshop para sa napakalaking role mo ngayon?
AI: Oo nga e. Pero alam ko naman may susunod para ready na ako.
Expect mo na lang nang i-expect. Seryosohin ko na ‘tong pag-arte ko.
Sayang naman ang Stella Adler ko. Mas mahal kesa sa talent fee ko sa ‘Bola’ ang ibinayad ko sa workshop. Hahahaha!
B: Seryoso ka na ba sa pagiging aktor mo ngayon?
AI: Meron kasi akong ma-achieve sa acting, e.
Tsaka ‘yung iniisip ko kasi hindi laging ganu’n, ‘yung nakikita kong lumalabas, so, alam na alam ko may kulang ‘di ba?
So, kailangan mong aralin, kailangan mong ma-experience.
B: Bakit hindi ka muna naghanda bago mo ginawa ang ‘Bola?’
AI: Biglaan ‘to, niyaya lang ako. Kumbaga kung ano lang ‘yung alam ko from the theater ‘yun lang ang binigay ko.
So, ika nga when the chance comes again, kailangan maghanda ka.
Baka mamaya hilahin ako dahil ako lang ‘yung malapit doon, ‘O, d’yan lang nakatira si Arnell. Yakagin mo!’ Hahahaha!
Maganda naman ‘yung script, e, challenging.
Kasi alam mo nuknukan ako ng landi tapos gaganap ako ng conservative na bading.
Kinausap ko pa si Christian Espiritu dito, e. ‘Di ba si Christian Espiritu ‘yung reserved, designer, mataray, class.
Nakipagkwentuhan ako sa kanya. Kasi nakaka-Facebook ko siya. Nagbigay naman siya ng advice.
E, siyempre maganda na ‘yung nagre-ready ka dahil baka mamaya dumating na lang. Dati seryoso talaga akong actor, sa teatro. Pero walang nagseryoso sa akin.
Never naman akong sineryoso sa industriya na ito.
Bata pa ako nag-artista, nag-teatro na ako. Nasa Repertory Philippines pa ako noon, e.
Kaya kami magkakilala ni Audie Gemora. Ang dami kong kilala, like si Douglas Nierras.
Di ba ang daming takot na takot sa kanya pero ako nagugulat sila dahil katsikahan ko.
B: Bakit hindi mo ipinagpatuloy noon ang pag-arte?
AI: Wala ngang nagseryoso sa akin, e. Kahit nga sinabi ko noon gusto kong magdirek, ‘Naku! Mag-host ka na lang!’
Sabi nila sa akin. Well, actually, kaya ako tuwang-tuwa sa Talentadong Pinoy’ because they look at me differently there.
Hinihingi ‘yung opinyon mo. Hindi ako ginagawang kenkoy.
And sa radio, never din akong kenkoy. At nakakahiya rin naman, after so many years, ‘yung lalandi-landi ka.
Nakakahiya naman sa edad kong ‘to, napapanood ka na eto ang ginagawa mo.
Kasi kung meron ka pa rin namang gustong ipakita, e, ‘di ipakita mo pa rin, ‘di ba?
B: Naaapektuhan ka pa ba ng mga intriga?
AI: Oo naman, like sa radio, biro mo may matatanggap ka na messages, ‘Si Arnell sobra ng laos pumapatol ka pa sa radio program na sa madaling-araw.
Kawawa ka naman. Alam mo masasagot ko lang doon, yung laos okey lang sa akin ‘yun.
‘Yung kawawa palagay ko malabung-malabo.
‘Yun bang, merong training ng maturity to handle comments like that kasi, pero kung nu’ng bata ako aawayin ko ‘yun! Susugurin ko ‘yun. Aawayin ko talaga ‘yun.
Pero ‘yung ngayon alam mo na ‘yung pwesto mo, alam mo na kung ano ‘yung meron ka, so, naha-handle mo na ‘yung ganu’ng sitwasyon.
Tsaka ‘di ba, 2:30 a.m., natutuwa ako sa mga discussion namin doon. Mga totoong tao, masang-masa.