Billy Crawford nag-iiba ang ‘anyo’ kapag nalalasing


Nakapagpiyansa na si Billy Joe Crawford, pero hindi pa burado ang mga kasong kailangan niyang harapin sa piskalya ng Taguig, mga kasong naging produkto ng kanyang paglalasing.

Dahil sa nangyari sa kanya ay naglutangan tuloy ang mga kuwento kapag nakakainom si Billy Joe. Mainitin pala talaga ang ulo niya, kailangan niyang sumailalim ng anger management, dahil itinutulak siya sa gulo ng pag-iinit ng kanyang ulo kapag nasasayaran na ng alak ang kanyang lalamunan.

Sabi ng isang aktor na kabisado si Billy kapag nakakainom, “Sana, umuwi na lang siya at du’n siya nagpakasawa sa pag-inom. Sana, nagsolo na lang siya, o kaya, nag-imbita na lang siya ng mga kaibigan sa condo unit niya.

“Safe na safe siya du’n. Magsisigaw man siya, magwala man siya, e, meron siyang mga kaibigang handang umawat sa kanya. Saka sa kanya ang place, magagawa niya ang lahat du’n!

“Mabait si Billy kahit makulit, wala siyang angas, pero kapag nakainom na siya, lalo na’t hindi na niya kayang i-manage ang naiinom niya, he can be the guy that you wouldn’t like,” sabi pa ng katrabaho ng kontrobersiyal na singer-TV host.

Leksiyon na ito kay Billy Joe Crawford. Uminom lang ng ayon sa kapasidad. Huwag magpapatalo sa ispiritu ng alak, sa tiyan lang dapat ilagay ang naiinom, hindi sa ulo.

Marami nang ipinahamak ang alak. Babae, lalaki, walang pinipiling kasarian ang inuming nakahihilo at nakapagpapatapang ng hiya.

Read more...