Dinalaw kami sa radyo ni Iwa Moto nu’ng Huwebes nang hapon (92.3 News FM at AKSYON-TV 41) bago sila nagpunta ng kanyang nanay-nanayang si Omar Sortijas sa Bulacan para maging panauhin sa ikatlong taong anibersaryo ng St. Anne Power Academy of Marilao Inc..
Aminado ang dalaga na nu’ng umalis pala si Leandro Muñoz papuntang Amerika ay dalawang araw siyang nag-iiyak nang nag-iiyak.
Naghatid siya sa aktor sa airport, nagtatapang-tapangan pa siya nu’ng una, pero nu’ng pauwi na siya ay du’n na naging emosyonal si Iwa Moto.
“Pagdating ko sa house, iyak ako nang iyak.
Siyempre, ngayon ko lang po naman kasi na-experience ang ganito, long distance ang relasyon, sobrang nalungkot ako nu’ng umalis si Leandro.
“Iyak ako nang iyak, nakita ako ng mommy ko, ngayon lang din ako nakita ng mommy ko na nagkaganito.
Sabi ng mommy ko, ‘Gusto mo bang sumunod na lang sa kanya, para hindi kita nakikitang umiiyak?’
“Pero okey na po ako ngayon, palagi naman kaming nag-i-Skype, we always talk.
May work po kasi siya du’n, e. Nagpupunta lang siya dito kapag may project siya.
“Masakit man, e, talanga ganu’n, hindi ko naman kasi siya masasabihan na mag-stay na lang siya dito, kasi, sayang ang work niya sa States,” kuwento ng magandang young actress.
Mukhang tinamaan ng pana ni Kupido si Iwa, maituturing na whirlwind ang relasyon nila ni Leandro, dahil ilang linggo pa lang silang nagiging close ay nauwi na agad ‘yun sa relasyon.
Pero hindi si Iwa Moto ang tipo ng babae na palipat-lipat ng karelasyon, martyr pa nga siyang maituturing, dahil kahit nasasaktan na siya sa pakikipagrelasyon ay pilit pa rin niyang isinasalba ‘yun.
“Basta ang masasabi ko lang po, one-man-woman po ako.
Kung sino ang karelasyon ko, siya lang talaga ang mahal ko, siya lang talaga, walang iba,” naniningkit ang mga matang pagdidiin ng makinis at magandang si Iwa Moto.