HINDI ba ninyo napapansin itong si Chairman Francis Tolentino ng MMDA na regular nang sinisisi ang iba’t ibang grupo sa araw-araw na buhol-buhol na trapiko sa loob ng Metro Manila at maging sa NLEX at SLEX?
Kundi DPWH, mga contractors, LTFRB, LTO, mga truckers, bus, jeepneys, colorum, public utilities at mga diggings nito, maging mga local traffic police, ng mga alkalde at ang mga lumang private cars ang ilan lamang sa kanyang sinisisi.
Nitong Biyernes, ang napagdiskitahan ni Chairman ay itong NLEX dahil sinisi ng huli ang “one truck lane policy” ng MMDA na dahilan daw nang maghapong traffic mula Bulacan papasok ng Metro Manila. Sobra rin daw ang dami ng mga truck ngayon kaya matrapik, sabi pa ni Chairman.
Pero nang siyasatin ni Secretary to the Cabinet Jose Rene Almendras, pinuno ng “TASK FORCE PANTALAN,” isang rerouting realignment pala sa Caloocan city ang dahilan ng napakahabang linya ng mga malalaking trailer trucks sa NLEX hanggang sa pier. Nagsara ang isang “local road” doon at naging isang “lane” na lang ang daanan ng mga trak. Nagsagawa siya agad ng konsultasyon sa Caloocan upang ayusin ang problema. Niliwanag din ni Almendras, hindi naman totoo na dumami ang bilang ng mga truck noong Biyernes kaya nag trapik nang todo.
At dahil hindi alam, binalewala o tinamad ang MMDA sa nangyaring “local rerouting” ng Caloocan city government sa A.Bonifacio at C3, nagsimulang tumambak ang mga trailer trucks umaga pa lang hanggang naging halos parking lot na ang NLEX-lampas Meycauayan hanggang A. Bonifacio at Pier.
Tandaan natin na ang mga “National Roads” tulad ng EDSA, C5, Roxas Blvd., Quezon ave.,Marcos Highway, McArthur Highway, at A. Bonifacio, atbp. ay nasasakupan ng MMDA, at alin mang pagsasara o rerouting ng mga city roads na hawak naman ng mga alkalde ay dapat alam na alam ng MMDA lalo pat miyembro silang lahat ng Metro Manila Council (MMC). Ang nangyari tuloy, mismong si Almendras pa ang nakatuklas ng kapalpakan ng MMDA sa koordinasyon sa Caloocan City.
Sa isang banda, tila lalong gumulo ang pamamahala sa trapiko ngayon sa Metro Manila. Meron nang MMDA, nariyan din ang mga local government at ngayon ang bagong Task Force Pantalan na kaliwat kanang traffic measures ang gustong ipatupad tulad ng mga counterflows sa maraming lugar sa Maynila, Caloocan, Quezon City at iba pa. Dapat nga, MMDA na lang.
Ngayong Lunes hanggang Setyembre 22, 3,000 “LASMAYL” stickers ang ilalagay daw ng MMDA sa mga truck na manggagaling sa Port of Manila para raw lumuwag na ito at di magkaproblema ang mga paparating na mga imports ngayong kapaskuhan.
Dalawang linggong traffic daw ito, sabi ni Chairman, pero kailangang gawin para iwasan ang economic damages ng “port congestion.” Tingin ko pampalubag lang ito ni Chairman kay Sec. Almendras dahil alam nating matagal na niyang pinag-iinitan ang mga truckers.
Sa kabuuan, marami nang nakakapansin sa sunud-sunod na kabiguan ng MMDA na pangalagaan ang trapiko sa Metro Manila. Mabagal na naiaalis sa lansangan ang mga sasakyang nasiraan o kaya ay nagbanggaan. Konting bagsak lang ng ulan,buhul buhol na ang trapiko. Kung wala naman, kokonting MMDA personnel ang makikita mo sa lansangan, lalo na sa mga “choke points” tulad ng Balintawak, Cubao, Shaw Blvd, kung saan mistulang terminal na ng mga pampasaherong bus.
Kayat huwag nang magtaka si Chairman Tolentino kapag nagkabuhol-buhol na naman ang trapiko. Sa halip na manisi, gawin na lang niyang epektibo ang sariling ahensya na may mandatong mangasiwa ng trapiko.