TUMANGGI nang magkomento si Mayor Herbert Baustista tungkol sa mga kanegahang pinagsasabi ni Kris Aquino matapos nga siyang magsalita tungkol sa naunsiyami nilang relasyon.
Kahapon nakachika namin si Mayor Bistek sa ibinigay niyang party para sa mga members ng entertainment press na nagse-celebrate ng birthday ngayong September hanggang December, at naitanong nga sa kanya kung nagkausap na uli sila ni Kris matapos itong mapikon sa alkalde.
Tinawag pa nga ng TV host si Bistek na “spokesperson” niya. “Ako, e, ayoko na lang magsalita, baka ano, e…narinig n’yo naman yung reaksiyon niya, e. Ganu’n na lang, parang…hello na lang. Hello!” ang matipid na chika ng mayor ng Q.C..
Tila na-trauma na nga si Mayor Herbert sa naging relasyon ni Kris kaya hindi mo rin siya masisisi kung ayaw na niyang magsalita tungkol sa kanyang ex.
Pero mas mabuti na rin yun para iwas iskandalo dahil tiyak na hindi siya matatahimik kung patuloy niyang sasagutin ang mga patutsada ni Kris.
In fairness, maganda ang aura ni Mayor Herbert nang makaharap siya ng press kahapon, biro nga sa kanya, mukhang mas nahiyang siya sa pagiging single.
Sa ngayon, bukod sa mga problema ng kanilang lungsod, mas nabibigyan niya ng atensiyon ngayon ang kanyang mga anak.
Samantala, masayang inihayag ni Mayor Bistek na tuloy na tuloy na ang Quezon City International Film Festival bilang bahagi ng 75th founding anniversary ng Q.C..
Ito’y sa ilalim pa rin ng QC Film Development Commission, sa pamumuno ng Vice-Mayor na si Joy Belmonte. Magsisimula na ito sa darating na November.
“We are inviting through our embassies sa iba’t ibang bansa, na mag-submit ng kanilang entries. Hindi naman ito yung competitive na film festival, parang nag-invite lang tayo para mas lumawak yung reach natin.
Mas festive kumbaga, mas masaya at mas maraming pagpipilian,” paliwanag ni Bistek. “We do hope na maraming entries ang sumali para maging aware tayo sa mga bagong movies from different countries around the world,” hirit pa ng alkalde.
Ang nabanggit na filmfest ay may theme na “From Flashbacks to Fast Forward,” at magsisimula na sa Nov. 5 hanggang 11 sa TriNoma Mall.
Pero bago ito, “Magkakaroon muna tayo ng Miss Quezon City Diamond Jubillee, in celebration pa rin ng ating 75th founding anniversary, sa Sept. 13 na yan at gaganapin sa AFP Theater, Camp Aguinaldo, 7 p.m.”
“And after that, sa October, the actual anniversary of Quezon City sa Araneta Coliseum kung saan bibigyan ng awards ang mga model citizen at public servants.
Sunud-sunod ang mga projects natin this year until next year na ‘yan,” dagdag pa ng alkalde. Ibinalita rin ng actor-politician ang ginagawa nilang effort para sa mga kababayan nating HIV/AIDS victims, inamin niya na tumaas ang bilang ng mga taong may sakit na HIV dahil may institusyon nang handang tumulong at kumalinga sa kanila, tulad ng Clinica Bernardo.
Ayon pa kay Bistek, karamihan sa mga mino-monitor ngayon ay mga lalaki na nakikipagtalik sa kapwa lalaki. Samantala, para naman sa mga susunod na proyekto ng kanilang Heaven’s Best Entertainment, inaayos na raw ang bago nilang proyekto, na iko-co-produced ng Viva Films.
Aniya nakipag-usap na si Vincent del Rosario sa Heaven’s Best para sa pelikulang pagsasamahan nina Anne Curtis, Heart Evangelista at Maricel Soriano. Bukod dito, sana raw ay matuloy din ang pinaplano nilang horror movie na pagbibidahan ni Vilma Santos.