NAGPATAWAG si Interior Secretary Mar Roxas ng pagpupulong sa harap na rin ng pagkaalarma ng Chinese community dahil sa pamamayagpag ng mga kaso ng kidnapping-for-ransom sa bansa.
Hindi maikakaila ni Roxas at ng pamunuan ng Philippine National Police (PNP) na may problema talaga sa peace and order.
Mismong ang PNP na ang umamin na tumaas nga ang kaso ng kidnap-for-ransom. Umabot ng 38 porsiyento mula sa dating 31 porsiyento ang bilang ng kidnapping cases nitong Agosto kumpara noong Agosto nang nakaraang taon.
Sa kabila ng pagtiyak ng Palasyo na tinutukan ni Roxas at ni PNP Chief Alan Purisima ang kriminalidad sa bansa, ang kailangan ng publiko ay resulta.
Nangyari ang huling kaso ng kidnapping sa katanghaling tapat at malapit pa sa Camp Crame, ang national headquarters ng pambansang pulisya. Nangyari ang insidente sa gitna ng napakaabalang kalsada.
Kung hindi pa nakuhaan ng litrato ng isang netizen ay hindi pa mabubunyag ang nangyaring kidnapping.
Sa kabila ng pagkabigo naman ng PNP na masawata ang patuloy na pagtaas ng bilang ng krimen sa bansa, tiwala pa rin hanggang ngayon si Pangulong Aquino sa hepe ng PNP na si Purisima.
Panay din ang pagtanggi ng Malacanang na malala ang peace and order sa bansa lalo na kung ikukumpara sa nakaraang administrasyon.
Pero, bakit nga kaya hindi masibak ni PNoy si Purisima? Anong meron dito?
Maliban sa ilang miyembro ng Gabinete na nadadawit sa mga kontrobersya, isa si Purisima sa mga opisyal na ayaw tantanan ng mg isyu at intriga, patuloy itong ipinagtatanggol ni PNoy.
Hindi dapat maliitin ng Palasyo ang problema. Kung ang mga ordinaryong mga mamamayan ay may duda na sa kakayanan ng pamunuan ng PNP, paano pa kaya ang mga banyagang nais sanang pumunta sa bansa bilang turista o bilang negosyante?
Kahit pa paulit-ulit na igiit ng Malacanang na ligtas ang Pilipinas para sa mga ordinaryong tao at mamumuhunan, hindi ito magiging epektibo kung iba ang kanilang nasasaksihan.
Hindi sapat ang pagsasabing kontrolado ng pamahalaan ang sitwasyon, ang kailangan ng Malacanang ay kalampagin si Purisima para tiyaking trabaho ang kanyang inaatupag at hindi kung ano pa man.
Dapat bigyan si Purisima ng ultimatum at sibakin kung sakaling mabigong gampanan ang kanyang trabaho.
Nagbigay na kasi ng warning si Roxas sa mga opisyal ng PNP na masisibak sakaling hind ginagawa ang kanilang trabaho, dapat kasama rin si Purisima sa mga dapat bigyan ng ultimatum.