Ronnie Ricketts iaapela ang 6-buwan suspension order ng Ombudsman

MANANATILING  chairman ng Optical Media Board ang action star na si Ronnie Ricketts sa kabila ng ipinalabas na suspension oder laban sa kanya ng Office of the Ombudsman.

Ito’y may kinalaman sa akusasyon na pagpabaya diumano si Ronnie sa kanyang tungkulin bilang pinuno ng OMB. May kaugnayan ito sa post-raid operations ng ahensiya laban sa Sky High Marketing noong May 27, 2010 kung saan ni-raid ng mga operatiba ng OMB ang Sky High sa Quiapo, Manila. Nakakumpiska sila rito ng 127 kahon at dalawang sako ng pirated DVD at VCD na dinala sa compound ng OMB, at nakahuli rin ng tatlong Chinese nationals.

Pero ayon sa ulat, ipinag-utos daw ng aktor na ilabas sa compound ang mga nakumpiskang kontrabando, gamit ang sasakyan ng Sky High, nang walang kaukulang gate pass kaya nakompromiso ang mga ebidensiya.

Iaapela naman ng kampo ni Ronnie ang kaso at mananatili pa ring Chairman ng OMB ang kanyang kliyente dahil hindi pa final and executory ang suspension order.

Bukod sa aktor, suspended din ang lima pang matataas na opisyal ng OMB. Nabatid din na bukod sa six month suspension, inirekomenda rin ni Ombudsman Conchita Carpio-Morales na sampahan ng kasong kriminal ang lima dahil sa paglabag diumano ng mga ito sa Section 3(e) of the Anti-Graft and Corrupt Practices Act.

Read more...