NAGMUKHANG tanga ang National Bureau of Investigation (NBI) sa pag-aresto sa mga taong kulang-kulang.
Ang pumapatol daw sa loko-loko ay mas malala ang pagkasira ng utak.
Yan ang nangyari sa pagdakip ng NBI sa mga taong may planong bombahin daw ang Ninoy Aquino International Airport (Naia) Terminal 3 at ang Mall of Asia .
Ang mga nahuli sa kanila ay rebentador o paputok, yung ginagamit sa pagsalubong ng Bagong Taon, at hindi bomba.
Ang mga terrorism suspects ay dapat hindi ikulong sa New Bilibid Prisons sa Muntinlupa kundi sa National Mental Hospital sa Mandaluyong.
Nagpakilala ang tatlong nahuli ng mga NBI na miyembro ng Usaffe (hindi USAFFE na ang ibig sabihin ay United States Armed Forces in the Far East na lumaban sa mga Hapon noong Pangalawang Digmaan).
Ang Usaffe daw ay isang rightist group na ang layunin ay ipagtanggol ang bansa sa mga dayuhan.
Ang isa sa mga naaresto ay nagpapanggap na “general” ng Usaffe o USA Freedom Fighters of the East. Aba’y talagang may sira ang tuktok!
Ito namang si Justice Secretary Leila de Lima ay pinatulan naman agad ang pagkakaaresto ng tatlong loko-loko.
Dapat inalam muna ni De Lima kung anong klaseng pagkatao ang mga naaresto.
Ang lider daw ng Usaffe ay si Ely Pamatong, na isang perennial nuisance presidential candidate, na may diperensiya rin sa ulo.
Hay, Ginoo! Wala na bang ibang magawa ang NBI kundi manghuli ng mga loko-loko?
Noong panahon ni Col. Jose Lukban, na naging NBI director ng dekada ’50 hanggang ’60, ang tinatawag na “golden years” ng NBI.
Ang NBI ang tunay na premier law enforcement agency noong panahon ni Lukban.
Lahat ng NBI line agents, na pawang mga abogado o certified public accountants, ay magaling sa paghuli ng mga kriminal.
Tunay na counterpart ang NBI ng US Federal Bureau of Investigation o FBI na pinakamagaling na law enforcement sa buong mundo.
Lahat ng ahente ng NBI ay magaling sa baril at mano-manong labanan dahil pinilit sila ni Lukban na maging eksperto sa baril at judo.
Pero bumaba ang standard ng NBI mula noong panahon ni Jolly Bugarin.
Nagpayaman si Bugarin at walang ginawa kundi mangurakot. Ang kanyang mga ari-arian ay kinumpiska ng Presidential Commission for Good Government o PCGG at ipinagbili sa publiko.
Noong panahon ni Gloria Macapagal-Arroyo, mas lalong nababoy ang NBI nang ginawang instrumento ang ahensiya sa paghasik ng lagim sa mga kaaway ni dating First Gentleman Mike Arroyo.
Isa ang inyong lingkod na naging biktima ng pagpapahirap ng NBI sa mga kritiko ni Mike Arroyo.
Nagkalap ng mga manufactured evidence o ebidensiyang gawa-gawa lang.
Biro n’yo, ang NBI ay taga-imbento na ng ebidensiya laban sa mga kaaway ni Mike Arroyo!
That was the lowest point in the existence of the agency!
O, hayan na naman, pulis na kriminal!
Nagwala si PO3 Domingo Alipio nang hindi siya nababayaran ng utang ng mga guro ng Pangasinan National High School (PNHS) sa Lingayen.
Pumatay si Alipio ng tatlong guro.
Di pa nakontento, pinagbantaan pa ang isang guro nakita na kanyang hinanap pero di nakita na babalikan siya nito matapos na makalabas siya sa kulungan.
Hindi lang kriminal itong si Alipio, baliw pa ito. Paano pa siya makalalabas sa pagpatay niya ng tatlong guro?
Anong klaseng mga tao ang tinatanggap ng Philippine National Police?
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.
