Ilang mga kaibigang nagtatrabaho sa ABS-CBN ang nakakuwentuhan namin nu’ng isang araw. Tinatanong nila kami kung ano’ng nangyari at umalis na si Sharon Cuneta sa TV5? Ibinalik daw ba ng Megastar ang halagang katapat ng dalawang taon pa niyang naiiwanan sa network?
Ang balik-tanong naman namin sa mga ito, totoo bang may nakahanda na raw na proyekto si Sharon sa Dos, sigurado na raw ang pagbabalik ng singer-actress sa kanyang dating network.
“Wala, a?!” mabilis na sagot ng aming kausap habang umiiling na parang matatanggal na ang ulo nito sa pagkakadugtong sa kanyang leeg. Wala raw talaga. Ni senyal daw ng pagbabalik ni Sharon sa Dos ay walang nakakaramdam.
Malalaman daw agad nila ‘yun kung totoo, pero ni pahimakas ng pagbabalik ni Sharon ay hindi pinag-uusapan sa buong istasyon, kaya wala raw katotohanan ‘yun.
Kung saan lilipat si Sharon ay wala pang nakakaalam, pero ayon sa kampo ng aktres ay siguradong meron daw, kaya ‘yun na lang ang dapat nating abangan ngayon.
Anong istasyon kaya ang maituturing na bagong tahanan ni Sharon Cuneta?