Kapit Pilipinas

HINDI pa tapos ang laban. May dalawang laro pa ang Pinas sa 2014 FIBA World Cup.
Maipanalo lang ng Gilas Pilipinas ang huling dalawang games nito kontra Puerto Rico at Senegal ay may chance pa tayong makalusot sa Knockout Round ng torneyo.
Alam kong sayang na sayang ang tatlong talo ng Pilipinas sa Group B lalung-lalo na yung kontra Croatia na humantong sa overtime at Argentina kung saan lumamang tayo sa first half at nakadikit sa last two minutes ng sagupaan.
Well, kalimutan na natin yung mga nasayang na pagkakataon dahil may natitira pa namang dalawang pagkakataon, ngayon at bukas.
Hindi ‘totally’ hawak ng Pilipinas ang tsansa nitong makausad sa next round dahil bukod sa kailangan nating manalo laban sa Puerto Rico at Senegal ay kailangang ipagdasal o ipagmisa  nating matalo rin ang Senegal laban sa Argentina sa kanilang laro mamaya.
Ang pinakamataas na mararating ng Gilas sa standings ay 2-3 lamang. At dahil may dalawang panalo na ang Argentina, Croatia, Senegal at Greece (3-0) ay kailangang may katabla sa 2-3 ang Pilipinas at dapat mananaig ito sa tie-break para umabante sa next round. Dahil tinalo tayo ng Argentina at Greece ay tanging Senegal na lang ang pwede nating talunin sa tie-break kaya mahalaga na huwag makuha ng bansang ito ang ikatlong panalo.
Pero kailangan muna nating biguin ang Puerto Rico ngayon bago natin pangaraping mapatumba ang Senegal bukas.
Sa ipinakita ng mga Pinoy kontra Argentina Lunes ng gabi ay masasabi kong malaki ang pag-asa nating manalo laban sa Puerto Rico na tulad ng Pilipinas ay wala pang panalo sa tatlong laro.
Maliliit pero mabibilis ang Puerto Rico at kung magkaroon ng “monster games” ang mga big men natin na sina Andray Blatche, June Mar Fajardo at Marc Pingris at pumutok sa labas ang mga tulad nina Jeff Chan, Jimmy Alapag, Jayson Castro, Paul Lee at Ranidel de Ocampo ay tiyak na matatambakan natin ang Puerto Rico.
Habang tumatagal ang torneyo ay nakapag-iipon ng kumpiyansa ang mga Pinoy na kaya nating makipagsabayan sa mga “world powers”  ng basketball gaya na lang ng ginawa natin kontra No. 3 seed Argentina.
Kontra Argentina ay tumira ng 31-of-61 field goals ang Pilipinas kabilang ang 13-of-17 mula sa three-point area. Si Alapag ay tumira ng limang tres, si De Ocampo ay may apat at si Castro ay may tatlo sa larong iyon.
Dahil mas malalaki at matatangkad ang mga kalaban natin sa FIBA World Cup ay kailangan natin ng maraming three-point shot para manalo. At kailangan din nating i-control ang boards sa magkabilang dulo.
Sa maniwala kayo’t sa hindi, nahigitan natin ang Argentina sa rebounds, 39-35, sa pangunguna ni Blatche na sumungkit ng 15 boards.
Kung babalikan natin ang larong iyon, natalo tayo dahil sa dami ng ating errors at sa kakulangan natin sa assists.
Sa first half, maganda ang ikot ng bola at nahahanap natin ang mga open players. Sa second half ay umasa tayo sa mga one-on-one plays at sa dalawa o tatlong pagkakataon ay tila sumobra ang Gilas sa kadi-dribble dahilan para maagawan tayo ng bola.
Sa kabuuan ng laro nalamangan tayo sa assists, 9-17, at mas kakaunti ang turnover ng Argentina kaysa sa atin, 8-16. Kung na-contain lang sana natin ang turnover natin ay baka na-upset na natin ang isang world powerhouse ng basketball.
But like I said, may two chances pa tayong makarating sa KO round and we have to make the most of it starting tonight.
Head to head, kaya nating makipag-sabayan sa Puerto Rico.
Si JJ Barea, sa palagay ko, ay kayang tapatan ng alinman sa tatlo nating point guards na sina Alapag, Castro at LA Tenorio.
Si Rolando Balkman naman na tulad ni Barea na isang NBA veteran ay kayang bantayan nina Pingris o  Gabe Norwood.
On the other hand, wala silang solid big man na puwede nilang ipantatapat kay Blatche.
Still, bilog ang bola. Kung tayo nga muntik na nating ma-upset ang Croatia at Argentina, puwede rin tayong maisahan ng Puerto Rico kung di tayo mag-iingat.
Magandang laban ito mamaya kaya… “Kapit Pilipinas!”
* * *
Sa ibang grupo naman ay nangunguna ang Spain sa Group A, USA sa Group C, at Slovenia at Lituania sa Group D.
Syempre, overall, llamado pa rin ang Team USA na binubuo ng 12 NBA players pero hindi magpapahuli diyan ang Spain.
Nakitaan ng butas ang USA sa laro nito kontra Turkey kung saan lumamang pa ang Turkey sa half time. Walang legitimate center ang mga Amerikano at may pagkakataong pumapalya rin mula sa three-point area ang kanilang mga shooters.
Kontra Turkey, tumira ng 2-of-7 si Klay Thompson, 1-of-3 si James Harden at 0-of-3 si Derrick Rose mula sa three-point area.
Naungsan din sila  ng Turkey sa rebounding department, 34-32, at block shots, 5-4.
Sa kabilang dako naman, ang ganda ng nilalaro ng host team na mayroong tatlong marquee centers sa katauan nina Marc at Pau Gasol at Serge Ibaka. Idagdag mo pa ang mga guwardiang sina Rudy Fernandez, Ricky Rubio at Jose Calderon na mga beterano rin ng NBA, tiyak na duduguin ang Team USA kapag nagkasagupa ang dalawang teams na ito sa semis of finals.
* * *
Whatever happens this is going to be a huge boost to Philippine  basketball. This will surely put us back into the world map.
Pumangalawa man tayo sa Iran sa FIBA Asia, definitely, nahigitan natin in terms of performance and heart ang Iran at Korea na parehong wala pa ring panalo sa 2014 FIBA World Cup. Dahil dito ay tiyak na katatakutan na tayo sa Asian Games na magbubukas  sa Incheon, Korea in two weeks.
Kaya nga todo protesta ang Korea sa estado ni Blatche bilang naturalized Pinoy. Ayon kasi sa Asian Games rules, dapat magkaroon ng at least three-year residency period ang mga players na naturalized at may foreign lineage sa bansang kanyang nirerepresenta.
Sa puntong ito, mukhang tagilid si Blatche na alam naman nating minadali ang naturalization papers para lang makahabol sa FIBA World Cup. Pero malay natin, di ba?

Read more...