Saludo kami sa kasipagan ni Iwa Moto. Haponesa talaga ang dalaga dahil multi-tasking ang ginagawa niya sa maghapon.
Nagte-taping siya, inaasikaso pa ang kanyang ina at mga kapatid, nakakapag-show pa siya sa gabi kapag may pumapasok na imbitasyon mula sa iba’t ibang probinsiya.
Propesyonal si Iwa, tutok siya sa kanyang career, ayaw niyang may masabi sa kanya ang produksiyon lalo na’t nitong mga nakararaang panahon ay kinulapulan siya ng kung ano-anong kuwentong wala namang katotohanan.
“Kailangan ko pong kumayod ngayon nang double time para mabuhay kami ng family ko.
I can’t afford to be idle, kailangan kong kumita dahil kung magmumukmok lang ako sa isang sulok, magugutom kami, walang mangyayari sa buhay namin,” sinserong pahayag ng seksing dalaga.
Bukas nang hapon ay personal siyang bibisita sa St. Anne Power Academy Of Marilao Inc. (SAPAMI) sa Deco Homes, Marilao, Bulacan.
Siya ang special guest sa ikatlong taong anibersaryo ng eskuwelahan na pag-aari naman ng aming mga anak-anakang sina Zaldy at Thessa Aquino.
‘Yun ang eskuwelahan na kumpleto sa lahat ng mga pangangailangan ng mga bata, mula sa nursery hanggang sa elementarya ay wala ka nang hahanapin pa sa SAPAMI, alagang-alaga ng mag-asawang Zaldy at Thessa ang kanilang paaralan.
“Gusto namin ni Thessa si Iwa dahil ramdam namin na malapit siya sa mga bata, magugustuhan siya ng mga estudyante namin dahil magiliw siya, saka komedyana, palaging masaya,” sabi ni Zaldy.
Umalis nu’ng nakaraang Martes ang espesyal niyang kaibigan na si Leandro Muñoz, may kailangang asikasuhin sa Amerika ang guwapong aktor, pero hindi naman sila nawawalan ng komunikasyon ni Iwa.
Mapapanood sila sa Felina ng TV5 na nagsimula nang ipalabas nu’ng nakaraang Lunes nang hapon.